Madilim man ang kalangitan dahil sa pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat, naging maaliwalas pa rin ang araw para sa 260 benepisyaryo ng 4Ps sa Infanta, Pangasinan nang sila ay dumalo sa 4Ps Service Caravan.
Inilapit sa mga dumalong benepisyaro ang mga programa at serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na kasama sa service caravan. Sila ay nakatanggap ng Membership Data Record at Identification Cards mula sa PhilHealth habang binigyan naman sila ng Commission on Population and Development ng family planning commodities. Pinilahan din ang health care services na hatid ng Municipal Health Office. Nakatanggap din ng dagdag kagamitan sa paaralan ang mga batang 4Ps gaya ng backpack, tsinelas, at payong. Nag-uwi rin ang mga benepisyaryo ng mga buto mula sa Department of Agriculture Regional Field Office 1 at maliban sa pagrehistro sa mga benepisyaryong mangingisda sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), naibahagi sa mga benepisyaryo ang scholarship program ng nasabing ahensya.
Matatandang tinamaan ng epekto ng Habagat ang Infanta, Pangasinan noong nakaraang taon, kung kaya’t naging akma ang talakayan sa kahandaan at pagbangong muli pagkatapos ng anumang kalamidad. Nabigyan ng tig-isang Family Food Pack ang bawat pamilyang 4Ps na dumalo.
Nagpaalala si Mayor Martin M. Martinez sa mga benepisyaryo na gamitin sa pagpapabuti ng kalagayan ng kanilang pamumuhay ang mga natatanggap na programa at serbisyo mula sa pamahalaan.
Bilang magkatuwang ang DSWD Field Office 1 at ang lokal na pamahalaan sa paggabay at pagtugon sa pangangailangan ng mga benepisyaryo, siniguro ni 4Ps Division Chief Rosalyn L. Descallar ang pagbibigay ng maagap na serbisyo. Aniya, “Sa abot ng aming makakaya, ipaparating namin sa inyo ang karampatang tulong.”
Ang 4Ps Service Caravan ay taunang ginaganap upang ilapit sa mga benepisyaryo ang iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan patungo sa kaginhawaan ng kanilang pamumuhay. (by: Jaesem Ryan A. Gaces, Information Officer)