Sinubok ng magkakasunod na bagyo ang Rehiyon Uno ngayong taon. Maraming pamilya at indibidwal ang naapektuhan, maraming tahanan ang nasira at maging kabuhayan ay pansamantalang natigil.  

Dahil dito, ibat-ibang programa at proyekto ng DSWD ang naipaabot sa mga apektadong pamilya at indibidwal. Maliban sa mga Food and Non-Food Item (FNFI) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na karaniwang naibibigay kapag may kalamidad. Nagbigay rin ng Emergency Cash Transfer (ECT) sa mga biktima na nagsilbing tulong sa kanilang muling pagbangon.

Ang mga nabigyan ng ECT ay ang mga pamilya at indibidwal na nasalanta ng Bagyong Egay na may naitalang bahagya at kabuoang nasirang bahay at isinumite ng Lokal na Pamahalaan sa ahensya.

85,977 ang kabuoang target na benepisyaryo ng nasabing programa sa buong Rehiyon. 53,905 dito ay mula sa probinsya ng Ilocos Norte, 26,223 sa Ilocos Sur, 371 sa La Union, at 4,598 sa Pangasinan.

Mula sa naturang kabuoang target na ito, 66,838 ang nabigyan na na mayroong kabuoang halaga na PhP565,294,500.00. 

Ang ECT ay programa ng Kagawaran na nagbibibgay ng unconditional cash assistance sa mga kwalipikadong biktima ng kalamidad na ang kanilang lugar ay nagdeklara ng State of Calamity bilang karagdagang tulong para sa kanilang muling pagbangon. (by: Henry J. Juyno, Information Officer II  – Disaster Response Management Division-Disaster Response and Rehabilitation Section)