Pinangunahan ni Regional Director Marie Angela S. Gopalan ang pagbibigay ng Emergency Cash Transfer (ECT) sa 404 na pamilya at indibidwal na mayroong naitalang partially damaged na bahay na dulot ng nagdaang Bagyong Egay sa bayan ng Tagudin, Ilocos Sur.

Ang nasabing mga benepisyaryo ay mula sa Barangay Pudoc East na isa sa mga nabahang barangay dulot ng hagupit ng nagdaang Bagyong Egay. 

Ayon kay Rizalino Barnachea, benepisyaryo ng ECT mula sa nasabing barangay, “niyupi ng Bagyong Egay ang aming bubong. Malapit ang aming barangay sa ilog kaya mabilis na tumaas ang tubig baha sa aming lugar nang hanggang bewang.”

Ang ECT ay karagdagang tulong para sa mga benepisyaryo na magagamit sa rehabilitasyon ng mga nasira nilang bahay o bilang karagdagang tulong para sa kanilang pangaraw-araw na gastusin.

“Ang natanggap namin ay malaking bagay para mapagawa po namin ang aming nasirang bahay na nasira ng bagyo. Gayundin, magagamit rin po namin ang iba para sa aming pagsasaka at maging sa gastusin ng aming amnak sa pag-aaral,” wika ni Imelda Lopez, benepisyaryo ng ECT mula sa nasabing barangay.

“Maraming salamat sa DSWD sa palaging pag-agapay sa aming mga nangangailangan. Napakalaking bagay ito para sa amin upang makabangon muli,” panapos niya.

Mayroong kabuoang 9,665 na benepisyaryo ang nabigyan ng ECT na kabilang sa nasalanta ng Bagyong Egay sa probinsya ng Ilocos Sur. Nakatakdang mabigyan ang mga benepisyaryo mula sa iba pang mga bayan sa nasabing probinsya sa mga susunod na linggo.

Ang ECT ay programa ng DSWD na nagbibigay ng unconditional cash assistance sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng mga kalamidad upang lalo pang matulungan silang makabangon mula sa pagkasira ng kanilang mga tahanan at kabuhayan. (by Henry J. Juyno, Information Officer II, Disaster Response Management Division-Disaster Response and Rehabilitation Section)