Upang ipakita ang pagpapahalaga sa kanilang ambag sa pangkalahatang tagumpay ng implementasyon ng programa, binigyang pagkilala ang mga Parent Leader at 4Ps Parent Group sa ikatlong taon ng Search for Natatanging Parent Leader at 4Ps Parent Group ng Rehiyon Uno.

Matapos ang limang araw na pagbisita ng mga Regional Validator upang masusing suriin ang mga nagtutunggali, itinanghal na Regional Winner sa Search for Natatanging 4Ps Parent Leader 2024 si Mildred N. Bravo (larawan) mula sa Brgy. Ayaoan, Luna, La Union. Ang Forward McKinley Parent Group ng Galimuyod, Ilocos Sur (larawan) naman ang idineklarang Regional Winner sa Search for Natatanging 4Ps Parent Group 2024.

Si Mildred ay tubong Luna, La Union na kilala sa kanilang lugar bilang mapagmalasakit na lider. Maliban sa kaniyang hindi matatawarang mga inisyatibo sa komunidad, walang sawa rin niyang tinuturuang magbasa at magsulat ang sampu sa kaniyang miyembro. Dahil dito, lahat na ng kaniyang ka-grupo ay marunong nang magbasa at magsulat ngayon. Siya rin ay naniniwalang hindi dapat maging hadlang ang edad, lalo na ang kahirapan upang magkaroon ng sapat na kaalaman.

Samantala, payak man ang kanilang pamumuhay ng mga kasapi ng Forward McKinley Parent Group ng Galimuyod, Ilocos Sur, hindi sila nagdalawang-isip na magtayo ng Timpuyog Savings mula sa kanilang natatanggap na Cash Grants. Ito ang nagsisilbing panandaliang suporta sa mga may agarang tulong medikal. Maliban sa hindi mabilang na inisyatibo sa kanilang komunidad, sila rin ang tagapagtaguyod ng kahalagahan ng edukasyon sa kanilang lugar, kung kaya’t ang lahat ng kanilang mga anak ay humahakot ng parangal sa kani-kanilang paaralan.

Hinirang na Runners-Up sa Search for Natatanging Parent Leader 2024 sina Marife P. Orines mula sa Brgy. Capulaan, Balungao, Pangasinan; Estrella D. Sibul mula sa Brgy. Callitong, Burgos, Ilocos Sur; Mercy D. Guittap mula sa Brgy. Payao, City of Batac, Ilocos Norte. Ang Walang Iwanan Laging Damayan (WILD) Parent Group ng Nueva Era, Ilocos Norte; Balballosa Parent Group ng San Juan, La Union; at Duplac Parent Group 2 ng Urbiztondo, Pangasinan ang idineklarang Runners-Up para sa Search for Natatanging Parent Group 2024.

Itinuturing na mahalagang katuwang ng 4Ps Regional Program Management Office ang mga Parent Leader at Parent Group sa pagpapabuti ng implementasyon ng programa sa Rehiyon Uno, kaya sa pamamagitan ng inisyatibong ito, taon-taong nabibigyan ng parangal ang mga Parent Leader at Parent Group na may bukod tanging kakayanan, kagalingan, at kabutihan. Dahil dito, sila ay isa sa mga paparangalan sa gaganaping 4Ps Partnership Summit 2024 sa Oktubre. (by: Jaesem Ryan A. Gaces, 4Ps Information Officer – Social Marketing Unit)