Pormal na inilunsad ang pilot implementation ng Strengthening Opportunities for Lone Parents or Program SOLo sa bayan ng Anda, Pangasinan sa buong Rehiyon Uno. Ang nasabing bayan ay isa sa tatlong Lokal na Pamahalaan sa buong bansa na unang mag-implementa ng nasabing programa.
Ang Program SOLo ay ginawa upang suportahan ang mga Solo Parents (SP) sa pagtupad ng kanilang mga responsibilidad bilang magulang sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga makabagong interbensyon upang matugunan ang sikolohikal, emosyonal, at iba pang pangangailangan ng mga SP at kanilang mga anak.
“Ang programang ito ay hindi isang programa na nagbibigay ng ayuda. Ito ay proseso na tumutulong upang lumago ang inyong pagkatao bilang isang magulang upang mas magabayan ang inyong mga anak,” pagpapaliwanag ni Bureau Director Marcelo Nicomedes J. Castillo ng Social Technology Bureau.
Ang programa ay mayroong apat na sangkap – ang service delivery at partnership sa national, regional, at lokal na lebel ng gobyerno; ang suporta at mobilisasyon ng komunidad; ang parenting support system; at ang interbensyon para sa pag-unlad ng mga bata.
Napili ang Lokal na Pamahalaan ng Anda dahil ito ay may mga magagandang gawi sa pagpapatupad ng mga programa para sa mga SP.
Bukod sa pagtatatag ng aktibong SP Federation na pinangalanang Association of Solo Parents of Anda (ASPA) na mayroong 320 miyembro. Nagawaran rin ang Lokal na Pamahalaan noong 2021 Gawad sa Makabagong Teknolohiya para sa Self-Help Group na inisyatiba nito na pinamagatang “Kwentong Biente”, isang microfinance para sa mga marginalized na sektor na naglalayong tumulong din sa mga SP. Dahil dito ay napabilang ito ay kasama sa 2019 Compendium of Good Practice Documentation ng DSWD Field Office 1.
Ani Jonalyn Caballero, SP sa nasabing bayan, “Bilang isang solo parent, nagpapasalamat po ako dahil natulungan po ako ng Lokal na Pamahalaan ng Anda, Pangasinan lalong lalo na sa pagpapaaral anak ko sa pamamagitan ng scholarship.”
Nagmahal sila at biniyayaan ng supling ngunit hindi pinalad sa kanilang mga naging kapareha. Gayun pa man, aniya ay nagpapakatatag sila dahil ang kanilang mga anak ang pundasyon nila upang magpatuloy sa buhay.
Sa kasalukuyan, 30 na SP pa lamang ang target ng programa sa tatlong munisipalidad kasama na ang Lapu-Lapu City, Cebu at Panabo City, Davao del Norte.
Ang programa ay naglalayong lahat ng SP ay magkaroon ng matatag, maginhawa, at panatag na buhay sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kumpyansa sa kanilang sarili gayundin ng kanilang kalakasan sa pag-agapay sa buhay. (by Henry J. Juyno, Information Officer II, Social Marketing Unit)