Nagdeklara ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng El Niño alert noong nakaraang taon at inaasahang magtuloy-tuloy ito hanggang buwan ng Mayo ngayong taon. Ang El Niño ay tumutukoy sa hindi pangkaraniwang pag-init ng ibabaw ng dagat dahil sa Climate Change at nagdudulot ng tagtuyot o mas mababa sa normal na pag-ulan.
Upang maagapan at mabawasan ang maaaring maging epekto ng El Niño, ipatutupad ngayong taon ang bagong proseso sa implementasyon ng Risk Resiliency Program sa pamamagitan ng Cash-for-Training (CFT) at Cash-for-Work (CFW). Ito ay isang programa ng DSWD na naglalayong mapabuti ang katatagan ng komunidad sa mga epekto ng Climate Change sa pamamagitan ng mga interbensyon sa seguridad ng pagkain at tubig, partikular ang Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) na nakatuon sa paggawa ng Small Farm Reservoirs (SFRs) na magsisilbing imbakan ng tubig at maaaring gamitin sa panahon ng tagtuyot.
Mayroong tatlong hakbang ang implementasyon ng programa. Ang una ay ang Climate Action, na kung saan sasailalim sa tatlong araw na Learning and Development Sessions (LDS) ang mga partner-beneficiary upang maitaas ang kanilang kamalayan tungkol sa Climate Change Adaptation and Mitigation – Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR).
Ang ikalawang hakbang ay ang Project Implementation sa pamamagitan ng CFW na nahahati sa dalawang yugto at tatagal ng 15 araw. Sa unang yugto ay nagsasagawa ng mga aktibidad na makatutulong upang magkaroon ng sapat na tubig sa mga lugar ng proyekto. Samantala, ang ikalawang yugto ay nakapokus naman sa mga aktibidad na makakatulong sa seguridad ng pagkain.
Ang ikatlong hakbang ay ang Sustainability Strategy na kung saan ang mga partner-beneficiary ay muling sasailalim sa dalawang araw na CFT na nakatuon sa kabuhayan, pagpapanatili at rehabilitasyon ng mga proyekto, at organisasyon ng mga grupo ng komunidad.
Ang target ng programa ay ang mga Lokal na Pamahalaang apektado ng El Niño base sa Climate Outlook ng PAGASA noong ika-3 ng Disyembre taong 2023, at limang nangungunang Lokal na Pamahalaan sa bawat probinsya na may mataas na poverty incidence batay sa Listahanan 3. Ang assessment at recomendasyon ng Provincial Technical Working Group ay maaaring ikonsidera upang matiyak na ang mga target na lugar ay naaayon sa mga programa ng CCAM. (by Henry J. Juyno, Information Officer II, Disaster Response Management Division-Disaster Response and Rehabilitation Section)