Ang buwan ng Hulyo ay tinaguriang National Disaster Resilience Month (NDRM) kung saan iba’t-ibang aktibidad ang isinasagawa upang ipaalam sa lahat ang disaster resilience at risk reduction sa buong bansa. Bilang pakikiisa, ang DSWD Field Office 1 sa pamamagitan ng Disaster Response Management Division ay nagsagawa ng Communication Campaign cum Family and Community Disaster Preparedness (FCDP) Training sa pamamagitan ng Food-for-Training (FFT) sa bayan ng Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Target ng nasabing training ang 50 mangingisda sa nasabing bayan. Naturuan ang mga benepisyaryo ng mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng kalamidad. Naituro rin ang mga kailangang ihanda at maaaring laman ng isang Go-Bag o Survival Kit. Tamang-tama ito para sa naging paghahanda nila sa Bagyong Egay. Layunin ng FCDP Training na bigyan at dagdagan ang kaalaman ng publiko tungkol sa paghahanda sa mga maaaring maging epekto ng kalamidad sa kanilang pamilya at komunidad na siyang layunin din ng NDRM. Pagkatapos ng training ay nakatanggap ang mga lumahok ng isang Family Food Pack (FFP).
Ayon kay Anthony Quero, isa sa mga kalahok mula sa Brgy. Dili, Sta. Cruz, Ilocos Sur, “ngayon lang ako naka-attend ng ganitong training at napagtanto ko na kailangan naming sumunod kapag pinagbabawalan kaming pumalaot dahil para sa amin din iyon. Dati kasi, ang nasa isip namin bahala na basta makapangisda kami.”
Ani Saturnina Hernandez, Municipal Social Welfare and Development Officer ng Sta. Cruz, Ilocos Sur, sa pamamagitan ng training na ito ay natuto ang mga kalahok na maging handa at makinig sa lokal na pamahalaan para sa kanilang kaligtasan.
“Ang mga lumahok sa training na ito ay siya ring magiging daan natin upang maipamahagi sa iba pa nating nasasakupan ang kanilang natutunan sa pamamagitan ng pagkukwento nila sa kanilang mga kasamahan at kakilala,” dagdag niya.
Maliban sa FCDP Training ay tinalakay rin ang mga programa at serbisyo na binibigay ng Kagawaran na may kaugnayan sa paghahanda, pagtugon, at pagbangon tuwing may kalamidad. Ibinahagi din sa nasabing training ang proseso ng pagbibigay ng relief augmentation ng Kagawaran sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Ang FFT ng DSWD ay nagbibigay ng food support kapalit ng pakikilahok sa mga pagsasanay sa capacity building ng mga benepisyaryo. Layunin ng proyektong ito na magbigay ng kaalaman sa publiko tungkol sa Disaster Risk Reduction Management at magbigay ng mga oportunidad sa kabuhayan sa pamamagitan ng mga pagsasanay na makatutulong sa mahihirap na pamilya at komunidad na madalas na naaapektuhan ng mga sakuna. (by Henry J. Juyno, Information Officer II, Disaster Response Management Division-Disaster Response and Rehabilitation Section)