“Nasira ang bahay namin dahil sa Bagyong Maring noong 2021. Halos lahat ng dingding namin ay nasira dahil sa lakas ng hangin at pagbagsak ng puno”, kwento ni Orlando Acosta Jr., isang Emergency Cash Transfer (ECT) beneficiary ng Brgy. Barraca, Bangar, La Union sa Monitoring and Evaluation na isinagawa ng DSWD Field Office 1.
Unang naipatupad ang ECT sa Region 1 noong Marso 2022. Upang malaman ang epekto ng ECT sa mga benepisyaryo, nagkaroon ng Monitoring and Evaluation ang ahensya sa pangunguna ng Disaster Response Management Division. Binalikan nila ang mga benepisyaryo ng programa upang alamin kung saan nila ginamit ang natanggap na ECT.
“Maliban sa pinambili namin ng bigas, napunta lahat ng natanggap naming ECT sa pagpapaayos namin ng bahay. Bagamat kulang dahil sa laki ng sira ay nagpapasalamat kami dahil malaking tulong ito sa amin upang makabangon muli”, dagdag ni Orlando.
Napag-alaman ng ahensya na karamihan sa mga benepisyaryo ay ginamit ang natanggap na ECT na pantustos sa araw-araw na gastusin at pagpapagawa ng kanilang mga bahay na nasira ng bagyo. Ang iba ay ginamit ang kanilang natanggap bilang panimula sa kanilang negosyo, at may mga ilan na itinabi ito upang may magamit sa mas malaking pangangailangan.
Si Alejo Cabalona Jr. ng Paratong Norte, Bangar, La Union ay ginamit ang kanyang natanggap na ECT upang ipambili ng biik bilang panimula.
“Sa tulong ng natanggap namin, hindi lang namin naipaayos ang aming nasirang bahay. Ang aking biniling biik sa ngayon ay mayroon ng anak at maaari ng maibenta”, pagsasalaysay ni Alejo.
Ayon kay Gina B. Mifa, OIC – MSWDO ng Bangar, La Union, sobrang naapektuhan ang bayan sa hagupit ni bagyong Maring. Para sa iba ay sapat na ang kanilang natanggap na ECT, ngunit para sa ilan ay kulang dahil sa laki ng nasira sa kanilang mga ari-arian.
“Labis na nakatulong ang isinagawang Monitoring and Evaluation ng DSWD upang ma-assess kung gaano nakatulong ang naibigay sa mga benepisyaryo na ECT. Gayundin, upang maipaalala sa kanila kung saan nila ginamit at kung para saan talaga ang kanilang natanggap”, saad ni Gina.
Sa tulong ng Monitoring and Evaluation, nalalaman ng ahensya kung gaano ka-epektibo ang isang programa na naipatupad. Natutukoy din nito kung sapat o hindi para sa benepisyaryo ang kanilang natanggap, at kung saan nila ito ginamit. Ang mga ito ay nagsisilbing basehan ng ahensya upang mas mapabuti ang proseso, implementasyon at pagpapatupad ng programa.
Ang ECT ay programa ng DSWD na nagbibigay ng unconditional cash assistance sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng kalamidad bilang tulong sa kanilang muling pagbangon at rehabilitasyon.(by: Henry J. Juyno, Information Officer II, Disaster Response Management Division-Disaster Response and Rehabilitation Section)