Nitong Hulyo, tila walang pahinga ang Rehiyon Uno sa sunod-sunod na unos na tinamasa. Naunang tumama si Bagyong Crising, na sinundan agad ni Bagyong Dante kung saan pinabigat pa ng Habagat. At sa kasamaang palad, hindi pa man tuluyang nakakabangon mula sa pinsala ng mga naunang bagyo, pumasok naman sa Rehiyon ang mas mabagsik pang bagyo—ang Severe Tropical Storm (STS) Emong.
Madaling araw ng Hulyo 25, tumama ang Bagyong Emong sa lalawigan ng La Union at Pangasinan, taglay ang matitinding hangin sa ilalim ng Wind Signal No. 4 at walang patid na pag-ulan. Sa loob lamang ng ilang oras, nagdulot ito ng matinding pinsala sa maraming lugar. Bumaha ang mga kalsada dahil sa biglaang pagtaas ng tubig, nagbagsakan ang mga puno at poste ng kuryente, at nagresulta ito sa malawakang pagkawala ng suplay ng kuryente.
Isang linggo na ang lumipas mula nang masalanta ang rehiyon. Sa bawat araw na lumilipas, patuloy ang pagdami ng mga pamilyang naitatalang apektado. Lumalawak din ang pinsala. At kasabay nito, lalo ring tumitindi ang pangangailangan ng mga naapektuhan.
Ngunit paano kung ang mga pangunahing inaasahang maghatid ng tulong ay siya namang may pangangailangan?
Sa kabila ng lahat ng ito, pinili ng Angels in Red Vests ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) na kumilos. Inuna muna nila ang kaligtasan ng kanilang sarili at pamilya, at matapos matiyak na ligtas ang mga mahal sa buhay, agad silang nagbalik sa tungkulin—bitbit ang dedikasyon at malasakit para sa kapwa. Alinsunod sa mandato ng DSWD, hindi sila nag-atubiling tumugon at maghatid ng agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Isa si Aileen Bravo, Project Development Officer II ng Sustainable Livelihood Program, sa mga matinding naapektuhan ng pananalasa ni Bagyong Emong. Aniya, “Ginising ako ng madaling-araw ng mga anak ko dahil umuulan na raw sa loob ng aming bahay. Pagkacheck ko, basa na ang lahat ng gamit namin. Hindi na rin namin sinubukang isalba pa, kasi galing na mismo sa bubong ang tumatagas na tubig. Hindi rin kami makalikas noondahil sobrang lakas ng hangin at ulan. ng ginawa namin ng asawa ko, sinigurado naming ligtas ang aming mga anak sa ilalim ng lamesa, para kahit papaano, hindi sila mabasa.” Kinabukasan, tumambad sa kanila ang bigat ng pinsala—ang mga gamit na dati’y karaniwang bahagi ng kanilang araw-araw ay ngayo’y sirang-sira at wala nang pag-asang maisalba.
Ngunit sa kabila ng matinding pagsubok, hindi siya nagdalawang-isip na personal na magbigay ng tulong sa mga mas nangangailangan Gamit ang sariling pera, bumili siya ng electric generator na libreng magagamit ng sinumang kailangang mag-charge. Namahagi rin siya ng groceries sa mga kabarangay na sa tingin niya’y higit na nangangailangan.
Si Jeany Buteng-Dayag, Head ng Disaster Response and Rehabilitation Section, ay isa rin sa mga nasalanta ni Emong. “Habang humahagupit ang hangin at ulan, nanginginig ako sa takot,” aniya. “Ang nasa isip ko agad—kamusta na kaya ang mga pamilyang walang matibay na tirahan? Umiyak ako. Paulit-ulit akong nagdasal na sana’y mag-umaga na at tumigil ang bagyo.”
Ilan lamang sina Aileen at Jeany sa daan-daang DSWD FO 1 Angels in Red Vests na, sa kabila ng sariling dinanas na pinsala, ay patuloy ang buong pusong paglilingkod. Suot ang pulang vest at dala ang dagdag na tulong para sa mga apektadong pamilya, layunin nilang maghatid ng pag-asa sa mga higit na nangangailangan.
Sa huling datos, umabot na sa mahigit kalahating milyon ang naitalang apektadong pamilya at indibidwal ng nasabing bagyo. Umabot na rin sa 176,627 na Food at Non-Food Items (FNFI) ang nai-release ng DSWD FO 1 sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan na nangangailangan ng karagdagang tulong. Kabilang dito ang mga Family Food Packs (FFP), Ready-to-Eat Food (RTEF), at Non-Food Item (NFI) na nagkakahalaga ng PhP121,037,638.95.
Ang mga pagsisikap na ito ay hindi lamang tugon sa pangako ng Pangulo na walang maiiwan at walang magugutom sa panahon ng sakuna, kundi patunay rin ng malasakit at dedikasyon ng Angels in Red Vests sa tapat at pusong paglilingkod. (by Henry J. Juyno, Information Officer II)