“Lawag”. Ang salitang Iloko na ang ibig sabihin ay liwanag. Ito ang taglay ng mga kabataang 4Ps sa Laoag City, Ilocos Norte na buwanang dumadalo sa Youth Development Session (YDS). Ang mga kabataang 4Ps na dumadalo sa YDS ay binubuo bilang isang Youth Group upang maging karagdagang support system ng isa’t isa sa kanilang paglalakbay bilang isang kabataan at maging mabuting ehemplo sa mga kapwa kabataan sa kanilang komunidad. Layunin din nito na sila ay turuan ng 10 Basic Life Core Skills, at himuking makapagtapos ng pag-aaral bilang paghahanda sa mas magandang kinabukasan.
Bilang pagpapakita ng suporta sa 4Ps Youth Groups, nagkaroon ng inisyatiba ang City Advisory Council (CAC) at ang lokal na pamahalaan ng lungsod, na makipagsanib-puwersa sa Pag-Asa Youth Association of the Philippines (PYAP) Laoag City Chapter. Kaya naman sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng PYAP-Laoag City Chapter, isinagawa ang kauna-unahang Youth Camp para sa 250 kabataang 4Ps.
Layunin ng aktibidad na ito na mapaunlad ang personalidad ng mga kabataang kalahok, mapalawak ang kanilang koneksyon sa mga kapwa-kabataan, matutunan ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos, kabutihang-asal at responsibilidad, at magkaroon ng kaalaman sa mga basic livelihood skills para sa pagpapaunlad ng kabuhayan at ekonomiya. Dahil dito, sila ay nagkaroon ng pagkakataong sumailalim sa mga personality development and livelihood trainings gaya ng Food Processing, Massage Therapy, Solar Installation, Flower Decoration, and Table Setting.
Matapos ang tatlong araw na aktibidad na ito, ang mga kabataang kalahok ay naging pormal nang miyemro ng PYAP-Laoag City Chapter. Marami sa kanila ang nahikayat na maging katuwang sa pagpapalaganap ng kanilang mga natutunan dito. Sila rin ay nagkaroon ng mas positibong pananaw sa layunin ng buhay, kagustuhang makapagtapos ng pag-aaral, makatulong sa kanilang pamilya sa hinaharap, at maging aktibo sa pagganap ng kanilang tungkulin sa kanilang pamayanan. (Isinulat ni: Sarah May Marcos, 4Ps Youth Development Session Focal Person)