Mula 2013 ay taunan nang ginaganap ang Search for Huwarang Pantawid Pamilya at Exemplary Pantawid Pamilya Child. Ito ay naglalayong bigyang pagpupugay ang mga pamilya at kabataang 4Ps na nagpapamalas ng natatanging pagpapahalaga sa programa at bilang instrumento upang maabot ang kaginhawaan at pangarap sa buhay.
Ngayong 2024, nangibabaw ang Pamilya Valdez ng Aguilar, Pangasinan at si Joyce Althea “Den Den” N. Balicas ng San Carlos City, Pangasinan na itinanghal na Regional Winners sa nasabing patimpalak.
Ipinasa ni Kenneth Navarro, pangatlo sa apat na anak nina Ronillo at Maria Luisa, sampu ng kaniyang pamilya mula sa Santa Maria, Pangasinan ang titulong Regional Winner ngayong taon sa Pamilya Valdez.
“Naging daan ang titulong Huwarang Pantawid Pamilya 2023 upang makilala ang aming pamilya. Ginamit po namin ang pagkilalang ito upang magbigay ng inspirasyon at serbisyo para sa lahat. Sa paraang ito, kahit paano ay maibalik ng aming pamilya ang kabutihan at pag-aaruga sa amin ng 4Ps”, ani Kenneth. Mensahe niya sa Pamilya Valdez na pangalagaan ang karangalang maging modelong pamilyang 4Ps.
Buong kagalakan namang tinanggap ng Pamilya Valdez ang pagiging 2024 4Ps Family Ambassador. Sila rin ang kakatawan sa Rehiyon Uno at tatanggap ng pagkilala sa 4Ps National Family Week sa darating na Setyembre 2024.
“Bilang isang solo parent, naging daan ang 4Ps upang mapag-aral kong mag-isa ang aking anim na anak,” wika ni Nanay Jocelyn. Aniya, 4Ps lamang ang kaniyang naging katuwang upang tuparin ang pangarap para sa kaniyang pamilya. “Sana itong kwento ng aming buhay ay kapulutan ng aral at maging inspirasyon ng iba pang pamilya,” dagdag pa niya.
Samantala, ipinagkatiwala na ni Russel John Gurtiza ng City of San Fernando, La Union ang kaniyang responsibilidad bilang Exemplary Pantawid Pamilya Child kay Den Den na siyang tatayong 2024 4Ps Child Ambassador. Si Den Den ang mangunguna sa delegasyon ng Rehiyon Uno sa National Children’s Congress sa Cebu City sa darating na Nobyembre 2024.
“Ipagpapatuloy ko po ang nasimulan ni Kuya Russel. Bubuo po ako ng iba pang programa upang mapabuti ang mga kabataang 4Ps,” pangako ni Den Den.
Samantala, pinarangalang Runners-Up sa Search for Huwarang Pantawid Pamilya 2024 ang Pamilya Maulit ng Banna, Ilocos Norte; Pamilya Reynante ng Candon City, Ilocos Sur; at Pamilya Lopez ng Bacnotan, La Union. Habang sa Search for Exemplary Pantawid Pamilya Child 2024 ay idineklarang Runners-Up sina Moneara Rayvee P. Rafanan ng Solsona, Ilocos Norte; Mika Ella V. Guiling ng Santol, La Union; at Katherine Marie P. Garcia ng Candon City, Ilocos Sur.
“Walang perpektong pamilya o bata. Lubos akong naniniwala na ang bawat pamilyang 4Ps at batang 4Ps, anuman ang katayuan sa buhay ay maaaring magkaroon ng angking kagalingan at kabutihan ng loob na nakikita ng lahat ng nakapaligid sa kanila. Kayong mga Provincial Winner ay patunay nito. Kayo ay kahanga-hanga!” saad ni 4Ps Division Chief Rosalyn L. Descallar sa kanyang mensahe sa mga kalahok na benepisyaryo.
Patuloy ang pagpupunyagi ng DSWD Field Office 1 para sa mga benepisyaryo ng 4Ps na patuloy ang pagpapahalaga at pagsasabuhay sa mga natutuhan sa programa, bagay na kinakikitaan ng pagiging mabuting ehemplo nila sa kapwa benepisyaryo at sa buong komunidad. (by: Jaesem Ryan A. Gaces, Information Officer)