“Kaugalian na dito sa amin ang magtanim ng mga gulay sa kanya-kangyang bakuran o bukid. Ngunit dahil sa Cash-for-Training (CFT) at Cash-for-Work (CFW) ng Risk Resiliency Program (RRP), nagkaroon kami ng iisang hangarin sa aming komunidad na kami ay magsama-sama upang isagawa ang aming mga proyekto,” sambit ni Jocelyn E. Bona ng Brgy. Cayungnan, Agno, Pangasinan.
Isa si Jocelyn sa mga partner-beneficiary ng RRP sa bayan ng Agno. Aniya ang RRP ay nagbigay daan upang magkaisa ang 618 na partner-beneficiary sa kanilang bayan.
Sina Jocelyn at kanyang mga kasamahan ay gumawa ng Small Farm Reservoir (SFR) para sa Project LAWA (Local Adaptation to Water Access), habang nagsagawa naman sila ng communal gardening para sa BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for Impoverished).
Layunin ng Project LAWA at BINHI na tugunan ang kakulangan ng tubig at pagkain sa mga komunidad na dulot ng El Niño at La Niña sa pamamagitan ng pagtatayo ng Small Farm Reservoir at pagtatanim ng mga gulay at mga punong namumunga malapit dito.
Personal na pinangunahan ni DSWD Field Office 1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan ang turn-over ceremony at payout sa bayan ng Agno noong ika-11 ng Hulyo 2024, kung saan tinanggap na ng bawat-isang partner-beneficiary ang PhP8,700 na kapalit ng pagsailalim nila sa CFT at CFW.
“Kami ay nagpapasalamat sa suporta at paghimok sa amin upang magkaroon ng ganitong proyekto sa aming komunidad. Nais naming ituluy-tuloy at makakaasa kayong papangalagaan namin ang aming nasimulan mayroon man o walang CFW nang sa gayon ay magiging puno at daluyan ito ng magandang samahan, pagkakaisa sa aming komunidad,” panapos ni Jocelyn.
Isa ang bayan ng Agno, Pangasinan sa 20 lokal na pamahalaang nagsagawa ng RRP sa pamamagitan ng CFT at CFW sa Rehiyon Uno. Bukod sa nasabing bayan ay apat pang mga bayan sa probinsya ng Pangasinan ang nagsagawa ng RRP na kinabibilangan ng Burgos, Mabini, San Carlos City, at Urbiztondo.
Ang RRP ay programa ng Kagawaran na naglalayong magbigay ng pansamantalang pagkakakitaan ang mga bulnerableng komunidad at bigyan ng kapasidad upang labanan ang masamang epekto na dulot ng Climate Change. (by Henry J. Juyno, Information Officer II, Social Marketing Unit)