Dahil sa pinagdaanang matinding kahirapan, isa ang Pamilya Roca ng Sison, Pangasinan ang nakaranas ng ibat ibang uri ng pangungutya at pang-aalipusta. Bago pa man sila mapabilang sa 4Ps noong 2012, pagsasaka na ang pangunahin nilang ikinabubuhay.
Taong 2008, isa ang Pamilya Roca sa binayo ng bagyong Cosme. Nawasak ang kanilang tahanan at nasira ang tanging ikinabubuhay. Ang tangi nilang kinapitan ay ang pag-asang darating ang araw na makaaahon din mula sa putik na kinasasadlakan. Sa kabila ng lahat ng pangyayaring ito ay naging positibo pa rin ang haligi ng tahanan na si Juanito Roca na itaguyod ang kaniyang pamilya sa anumang marangal na paraan. Sa pagsusumikap ng mag-asawang Juanito at Roselle ay unti-unti nilang naitayo ang kanilang simpleng tahanan. Dito nila ipinadarama ang pagmamahalan sa kanilang pamilya nang may kagalakan sa bawat isa.
“Sa pagsusumikap, tiyaga, gabay ng mga magulang, at tamang paggamit ng mga benepisyo mula sa 4Ps ay paniguradong walang mawawala sa daan patungo sa tagumpay ng buhay,” pagbabahagi ni Brendon James S. Roca pangatlo sa apat na anak nina Juanito at Roselle.
Sa simula pa lang ay kinakitaan na ng natatanging katangian ang pamilyang ito kumpara sa ibang benepisyaryo ng 4Ps sa kanilang lugar dahil lubos nilang pinapahalagahan ang anumang benepisyo mula sa programa. Bawat piso na natatanggap ng pamilya ay nagagamit lamang sa pangangailangang edukasyon ng mga anak at hindi sa walang kabuluhang mga bagay.
Ipinagpapasamalat nina Juanito at Roselle ang pagkakaroon ng kaagapay sa pag-abot ng kanilang pangarap. Naging malaking tulong sa kanilang tuloy-tuloy na pagbangon ang 4Ps, kabilang ang mga natutunan mula sa Family Development Session (FDS). Ang buwanang pagdalo sa FDS at ang sipag ng mga anak sa pag-aaral ang nagpalakas ng loob ni Juanito na ipagpatuloy ang pagsusumikap.
Sa ngayon, tatlo sa apat na magkakapatid ay nakapagtapos na sa kolehiyo. Ang panganay na si Kenneth Jean ay isa nang Registered Criminologist at isa nang Police Officer. Si Sheila Marie ay nagtapos ng kursong Business Administration, habang ang bunso naman na si Charity Kaye ay kasalukuyang nasa ikalawang taon sa kursong Bachelor of Science in Biology.
“Hindi pa dito nagtatapos ang aming paglalakbay bilang isang pamilya. Alam kong malayo pa, kaya patuloy pa rin kaming kumakapit sa aming mga pangarap. Nais kong magsilbing inspirasyon sa mga kapwa benepisyaryo ng 4Ps at iparating na hindi hadlang ang kahirapan upang maabot ang pangarap sa buhay, bagkus ay pagsumikapan ito. Pangarap kong maging isang Prosecutor, hindi dahil sa mga nang-api sa amin, kundi sa ngalan ng hustisya at pagkakapantay-pantay,” wika ni Brendon James. Siya ay kasalukuyang nasa unang taon ng abogasya sa Don Mariano Marcos Memorial State University Mid-La Union Campus
Ang Pamilya Roca ay taas-noong nagtapos bilang benepisyaryo ng 4Ps noong ika-25 ng Marso 2024. Pinatunayan at pinanindigan nilang kaya nilang makatawid patungong kaunlaran. Mula sa pangungutya ng walang makakapagtapos sa kanila sa pag aaral, hanggang sa kakulangan sa bigas na isasaing, na ngayon, tatlo na sa apat na magkakapatid na Roca ang propesyonal. Hindi pa man tapos ang kanilang paglalakbay patungong kaunlaran, tiwala naman silang kakayanin at makakamit nila ito. Ang kuwento ng unti-unting pag-angat sa buhay ng Pamilya Roca ay tunay na kahanga-hanga. Ang kanilang kuwento ng pag-angat ay patunay na walang imposible, basta may sipag, tiyaga, determinasyon, at matatag na paniniwala at pananalig sa Poong Maykapal. (by: Petrie Genevive L. Raquepo, 4Ps Municipal Link)