Ang ina ang itinuturing na tanglaw sa bawat tahanan – isang panghabambuhay na responsibilidad. Bukod tangi ang kaniyang pagmamahal para sa kaniyang pamilya. Tulad ng kuwento ni Nanay Lilia Tucnoy Salay mula sa Brgy. Wallayan, Bagulin, La Union.
Isang Parent Leader, Barangay Health Worker President, Women’s Association Secretary, Farmer’s Association Member, KC-NCDDP Procurement Team Member, Sustainable Livelihood Program Association President, Parent Teacher Association Secretary, at isang mapagmahal na ina sa kaniyang mga anak. Sa ganitong mga pamamaraan ay naipadarama ni Nanay Lilia ang kanyang pagkalinga sa kaniyang pamilya at magandang halimbawa sa komunidad.
Ang paglaban sa diskriminasyon na ang isang babae ay hindi pwedeng maging lider ang naging motibasyon upang pangunahan ang iba’t ibang organisasyon sa kaniyang pamayanan. Isa siya sa mga tagapagtaguyod ng laban kontra pagsasantabi ng mga kababaihan sa lipunan.
“Kung kaya ko, gagawin ko. Para sa akin, isang pribilehiyo ang pagsilbihan ang mga kapwa ko benepisyaryo ng 4Ps. Isang karangalan na maipakita sa kanila ang aking potensyal sa pamumuno, hindi lamang para sa pagsunod sa mga kondisyon ng programa kundi lalo na sa paglinang ng aking sariling kakayahan. Walang katumbas na materyal na bagay ang buong pusong pagtulong sa kapwa na bilang isang Parent Leader ay magabayan at maibahagi ang aking kaalaman sa mga kapwa benepisyaryo,” sambit ni Nanay Lilia.
Ang kaniyang paglalakbay sa pagiging ina sa kaniyang limang anak ay nasubok nang ma-diagnose na may kondisyon sa pag-iisip ang nooy siyam na taong gulang niyang panganay na si Jhoar. Ang biglaang pagbabago ng takbo ng kanilang buhay ay nagbigay sa kaniya ng malalim na pang-unawa sa kahalagahan ng pagiging isang ina. Dito niya lubos napagtanto na sa panahong ito ay mas kailangan siya ng kaniyang panganay. Kaya, ginawa niya lahat upang maging maayos at maliwanag ang kinabuksan ng kaniyang anak.
Dahil sa kagustuhang mapabuti ang kalagayan ng kaniyang mga anak, nagsumikap si Nanay Lilia upang magkaroon ng mapagkakakitaan. Noong 2017, hindi siya nagdalawang-isip na kumuha ng trabaho bilang isang Reader at Collector ng mga babayarin sa kuryente sa kanilang barangay upang madagdagan lang ang kanilang kakarampot na pagkakakitaan mula sa pagsasaka at paggawa ng walis para maibigay ang pangangailangan ng kaniyang mga anak lalo na sa kanilang pag-aaral.
“Bilang isang babae, maraming pagsubok ang nagdaan sa aking buhay. Lumaki ako sa isang pamilyang kapos at maagang namulat sa hirap ng buhay kaya’t maagang nagbanat ng buto. Kaya ako ay nagsumikap at naniwala sa Maykapal na maiaahon ko rin ang aking pamilya sa kahirapan, ani Nanay Lilia.
Ang lahat ng pagsisikap ni Nanay Lilia ay hindi napunta sa wala. Ang kaniyang pangalawang anak na si Jerickson ay nagtapos ng Technical Vocational Course in Automotive. Ang ikatlong anak naman na si Sunshine ay nagtapos ng Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management sa Benguet State University. Habang Academic Achiever din ang pang-apat at bunso niyang anak na sina Sandara at Justin.
Pinatunayan ni Nanay Lilia na kailanman ay hindi natatapos ang tungkulin ng isang ina sa kaniyang anak anuman ang edad o kalagayan nito, walang makatutumbas sa bawat sandali na kapiling ng isang ina ang kaniyang anak sa bawat hamon at tagumpay sa buhay. Ang kuwento ni Nanay Lilia ay hindi lamang tungkol sa hirap na kaniyang pinagdaanan, kundi ito ay patunay ding may pag-asa sa anumang pagsubok sa buhay. (by: Samantha Kate C. Antonio, On-The-Job Trainee from DMMMSU-MLUC with inputs from Jaesem Ryan A. Gaces, 4Ps Information Officer Social Marketing Unit)