Sa karamihan, ang paglisan ay nangangahulugang pagwawakas pero sa Pamilya Navarro ito ay panimula pa lamang, umpisa ng buhay na may pangakong kalakasan upang ipagpatuloy ang laban at ipanalo ang minimithing kaginhawaan. Ngunit sa likod ng positibong pananaw na ito ay ang pangamba at matinding takot dulot ng pinakamalaking dagok sa kanilang buhay.
Matapos ang labindalawang taon, dumating ang pinakahihintay na araw ng Pamilya Navarro – ang kanilang pagtatapos bilang benepisyaryo ng 4Ps. Kasama ang iba pang nagtapos sa Santa Maria, Pangasinan, tinanggap ni Trisha, bunsong anak nina Tatay Ronillo at Nanay Luisa ang Sertipiko ng Pagkilala mula sa DSWD Field Office 1 para sa kanilang buong pamilya. Ito ay ang patunay ng pagpupugay sa kanilang walang humpay na determinasyon na iangat ang kanilang buhay sa tulong ng programa.
Ayon kay Trisha, ang pinakaespesyal na araw para sa kanilang pamilya bilang benepisyaryo ng 4Ps ay noong hinirang sila na Regional Winner sa 2023 Search for Huwarang Pantawid Pamilya (larawan) at nasungkit ang pangalawang puwesto sa patimpalak na Salaysay ng Buhay ng Pamilyang Pantawid (Best Written Story) noong 2023 National Family Day.
Isang kahig, isang tuka kung ilarawan ni Trisha ang kanilang buhay. Ibinahagi niyang sa tulong ng 4Ps, nagkaroon sila ng pag-asang naghihintay na kaginhawaan para sa kanilang pamilya. Dahil sa 4Ps, naipagpatuloy ang pag-aaral nilang magkakapatid; nagkaroon ng kaalaman tungkol sa pagpapatibay ng samahan ng pamilya at pagiging kapakipakinabang na mamamayan; at napalakas ang mga sarili upang tuluyan nang talikuran ang kahirapan. Dagdag pa niya na natutuhan din nilang pagkakitaan ang maliit na lote sa kanilang bakuran sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga gulay at pag-alaga ng mga hayop.
Buong pagmamalaki niyang ibinahagi rin na sa kasalukuyan ay Associate Accountant sa Makati City; Production Operator; at Senior Accountant Officer na ang kaniyang mga nakatatandang kapatid.
Lilisanin man daw nila ang 4Ps pero babaunin nila ang mga masasayang alaala sa 4Ps sa kanilang patuloy na pag-unlad sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Isang buwan bago ang pagtatapos bilang benepisyaryo ng 4Ps ng Pamilya Navarro ay nauna nang linisan ni Nanay Luisa ang mundong ibabaw dahil sa pagtaas ng kaniyang sugar level, pagkakaroon ng pneumonia, at heart enlargement. Pinilit man ni Trisha na magdiwang dahil sa tagumpay na nakamit ng kanilang pamilya sa kanilang pagtatapos bilang benepisyaryo pero mas nangibabaw ang pangungulila sa kanilang pinakamamahal na ilaw ng tahanan. Laking pasalamat din nila dahil awtomatiko silang napabilang sa PhilHealth na labis-labis ang naibigay na tulong lalong lalo na nang natuklasang may Stage 3B Breast Cancer si Nanay Luisa noong 2018.
Emosyonal na inalala ni Trisha ang mga iniwang masayang tagpo at hindi makalilimutang karanasan ng kaniyang nanay. Taong 2019 noong tuluyang gumaling sa operasyon at natapos sa pagpapagamot si Nanay Luisa. Kaya naging aktibo ulit siya sa pagiging Parent Leader. Hindi naglaon, naging Barangay Health Worker din siya na kung saan ibinigay niya ang kaniyang serbisyo nang buong puso lalong lalo noong pandemya. Nanguna rin siya sa mga buwanang clean up drive, tree planting, at iba pa. Dahil sa ligayang kaniyang nadarama sa kaniyang pagsisilbi sa bayan, isinantabi niya ang kaniyang sariling kapakanan. Taong 2022 nang nalaman ni Nanay Luisa na bumalik ang kaniyang sakit at inilihim niya ito. Habang siya ay lihim na nakikipaglaban sa cancer ay lantaran niyang ipinapamalas ang alab ng kaniyang pagtulong sa mga may kapansanan, kapwa benepisyaryo, at mga kaibigan.
Sa paglisan ni Nanay Luisa ay baon niya ang pagmamahal ng mga napagsilbihan niya, mananatiling buhay ang kaniyang mabubuting ginawa sa kaniyang mga kapwa.
Sa dulo ng talumpati ni Trisha, taas noo niyang ipinagsigawang tunay ngang huwaran ang kanilang pamilya. Ipinangako niyang ipagpapatuloy lahat ng mga sinimulan ng kanilang ina at sama-sama nilang abutin ang minimiting kaunlaran. Ipagpapatuloy din daw nila ang pagiging huwaran dahil ito ang pamana ng kanilang ina sa kanilang pamilya.
Mas tumatak ang araw ng pagtatapos ng Pamilya Navarro bilang benepisyaryo ng 4Ps dahil ito rin ang araw ng kapanganakan ng yumao nilang ina na si Nanay Luisa. (by: Jaesem Ryan A. Gaces, 4Ps Information Officer – Social Marketing Unit)