“Kapag Nanay ka, hindi lang ‘yung bahay ang aayusin mo, kundi pati buhay ng pamilya mo lalo na ang buhay ng mga anak mo,” wika ni Gloria, sa katauhan ni Sylvia Sanchez sa seryeng The Greatest Love. Ganito ang buhay ng Super Nanay na si Analiza C. Budino, 37, mula sa Brgy. Bogtong Niog, Mangatarem, Pangasinan na parang kwento sa pelikula.
Parent Leader, Child Development Worker, Community Leader Valedictorian, Fourth Honorable Mention, Iskolar, Magna Cum Laude, Ilaw ng Tahanan, at mabuting asawa. Ito ang mga hindi matatawarang patunay ng tagumpay ni Nanay Analiza. Ayon sa kaniya, ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng kaniyang pamilya at komunidad.
Naging malaking bahagi ng buhay ni Nanay Analiza ang pagiging isang aktibong Parent Leader mula noong 2019 at Child Development Worker ng labindalawang taon. Bilang isang Parent Leader, nahasa ang kaniyang pakikipagkapwa tao at naitanim sa kaniyang isipan na laging bigyang halaga ang pamilya, kalusugan, at pag-iimpok. Lagi niyang hangad ang kagalingan at kaunlaran ng kaniyang mga miyembro kaya lagi niya silang hinihikayat na dumalo sa Family Development Sessions (FDS) at makilahok sa lahat ng aktibidad ng kanilang barangay.
“Batid ko ang hamon sa buhay na kinahaharap ng mga kapwa ko benepisyaryo. Naniniwala akong kahit ganito ang kanilang sitwasyon, uunlad pa rin ang kanilang pamumuhay dahil sa matibay na samahan ng bawat miyembro,” sambit ni Nanay Analiza.
Nagkaroon din ng boses ang mga kababaihan sa kanilang komunidad at pumasok sa pagnenegosyo noong siya ang nagsilbing Bise Presidente ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) mula 2016 hanggang 2019.
Ayon sa kaniya, pinagsabay niya ang pag-aaral at pagiging ina sa dalawa niyang anak na sina Benedict Budino (Junior High School) at Kurt Cyrus Budino (Grade 3). Laking pasalamat niya dahil laging handang umalalay ang kaniyang asawa na si Benedicto. Lalo pang nag-alab ang kaniyang determinasyon nang napabilang siya sa mga iskolar ng Tertiary Education System sa Mystical College of Science and Technology.
Nagtapos sa kursong Bachelor of Elementary Education si Nanay Analiza noong 23 Hunyo 2023. Dahil dito, naniniwala siyang ang kaniyang pagiging Magna Cum Laude ay isang magandang ehemplong maaaring tularan ng kaniyang mga anak at mga kabataan patungo sa pagkamit sa matayog nilang pangarap. Umaasa at ipinagdarasal niyang maipasa ang Licensure Examination for Teachers na naganap noong Marso 2024.
“Nagsilbing inspirasyon ko ang 4Ps upang magpursige sa buhay para sa aking mga anak. Kaya noong nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-aral muli matapos akong makapag-asawa nang maaga, ginawa ko ang lahat dahil matagal nang hinahangad ng aking mga magulang na makapagtapos ako ng kolehiyo,” pagbabahagi ni Nanay Analiza.
Sambit pa niya, “Ipinapanalangin kong maibigay ang pangangailangan ng aking mga anak upang masuportahan ang kanilang pangarap na maging Engineer at Piloto balang araw. Batid ko na sa pagiging guro, matutulungan ko silang makamit din ang inaasam na propesyon.”
Payo niya sa mga kapwa niya benepisyaryo, “Kung ang ating gobyerno ay gumagawa ng paraan upang tayo ay umangat sa buhay, gumawa rin tayo ng sarili nating paraan upang umunlad sa buhay.” (by: Jaesem Ryan A. Gaces, 4Ps Information Officer – Social Marketing Unit)