“Tamad. Inaasa ang buhay sa gobyerno. Nakakahiya ang maging benepisyaryo ng 4Ps.”
Ganito madamdaming ibinahagi ni Jhon Carlo Delos Reyes mula sa Urdaneta City, Pangasinan ang pangungutyang natanggap ng kanilang pamilya simula noong napabilang sila sa 4Ps.
Sa kabila nito, pinatunayan ni Jhon Carlo na ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay may kakayahan ding umunlad. Isa na siya ngayong ganap na Emergency at Operating Nurse sa Metro Antipolo Medical Center. Itinuring niyang espesyal ang kanilang pamilya dahil napabilang sila sa programang umagapay sa kanila patungo sa inaasam na kaunlaran. Pagpapatotoo pa ni Jhon Carlo, “Sa mga panahong kami ay nakaranas ng hikahos, nariyan ang 4Ps na nagbigay liwanag at naging tulay upang ang aking pangarap na maging isang registered nurse ay matupad.”
“Bago pa man nagtrabaho sa ibang bansa ang aking ama, siya muna ay naging kargador sa palengke at kumikita lamang ng Php500.00 kada araw. Umaraw man o umulan, kailangang magbuhat ang aking ama ng napakabigat na sako ng mga gulay o prutas para lamang may mailatag na pagkain sa aming lamesa,” kwento ni Jhon Carlo.
Sobra raw ang paghanga niya sa kaniyang mga magulang dahil kahit paano ay napagkakasya nila ang kaunting halaga para sa lahat ng kanilang pangangailangan. Wala rin daw hanapbuhay ang kaniyang ina kaya siya ang nag-aalaga sa kanilang magkapatid habang nagbabanat ng buto ang kaniyang ama.
Muling nagbalik tanaw si Jhon Carlo at nasambit niyang, “Buti na lang mababait ang mga may-ari ng tindahan sa mga kapitbahay namin dahil handa silang magpautang ng isang delata ng sardinas at isang piraso ng noodles para lamang magmukhang mas marami ang ulam namin. Tandang tanda ko pa ang mga panahon na mauuna kaming magkapatid na kumain bago ang aming mga magulang dahil ang matitira ay ang kanilang uulamin.”
Kung gaano karupok ang kanilang bahay, ay ganoon naman katibay ang kanilang samahan. “Ang aming bahay ay gawa lamang sa sawali at kawayan, na sa tuwing bumabagyo ay walang tulog ang aming mga magulang dahil binabantayan nila ang aming bahay at masigurong kaming magkakapatid ay ligtas,” ayon kay Jhon Carlo. Sila ay nakikabit ng kuryente sa bahay ng kaniyang lola upang magkaroon ng ilaw ang kanilang bahay. Hindi kailanman niya malilimutan ang lahat ng kanilang pinagdaanan kaya nagsumikap siyang pagbutihin ang sarili para sa kapanakanan ng kaniyang pamilya.
“Sa bawat sentimong tulong na nakukuha namin mula sa ating gobyerno, maliit man ito sa paningin ng iba, ay napakalaking tulong na ito sa tulad naming walang wala,” sambit ni Jhon Carlo.
Katuwang sa buhay ang turing ni Jhon Carlo at ng kaniyang pamilya sa 4Ps. Hanggang sa pag-abot ng kaniyang pangarap ay naging bahagi nito ang programa. Ayon sa kaniya, pinalad siyang mapabilang sa Tertiary Education Subsidy ng CHED na siyang malaking tulong sa pag-aaral niya sa kolehiyo sa Unibersidad ng Pangasinan. Napagkalooban din siya ng 30% scholarship grant sa nasabing unibersidad. “Dahil dito, ang malabo kong pangarap na maging nurse ay nabigyan ng maliwanag na pag-asa,” wika ni Jhon Carlo.
“Kaya sa mga kapwa kong nagmula sa sambahayang 4Ps, huwag niyong ikahiya ito bagkus magpasalamat tayo at maging motibasyon ito na darating ang panahon na hindi na tayo tutulungan kundi tayo na rin ang tutulong sa iba. At sa mga magulang na ginagamit sa tama ang natatanggap na cash grants, huwag kayong mawalan ng pag asa. Mahalin niyo at palakihin ninyo nang tama ang inyong mga anak,” pagpapalakas ng loob ni Jhon Carlo sa mga batang 4Ps at kanilang mga magulang nang tanggapin niya ang Sertipiko ng Pagkilala para sa kaniyang pamilya bilang pagpupunyagi sa determinasyong tumawid sa kaunlaran pagkatapos ng higit sampung taon. (by: Jaesem Ryan A. Gaces, 4Ps Information Officer – Social Marketing Unit)