Ibinigay ni Listahanan Regional Field Coordinator Joan N. Dacumos (pangalawa sa kanan) kasama sina Listahanan Regional Information Technology Officer Aristedeo V. Tinol (pinakakanan), at Listahanan Regional Statistician Ryan P. Arbollente (gitna) ang electronic copy ng Listahanan 3 data ng mahihirap kay Alaminos City Mayor Arth Bryan C. Celeste (pangatlo sa kanan). Kasama din sa turnover ceremony sina Data Privacy Officer Atty. Melanie P. Aoanan (pangatlo sa kaliwa), City Social Welfare and Development Officer Elizabeth S. Radoc (pangalawa sa kaliwa), at Recreational and Welfare Service Officer III Karen Mae R. Basobas (pinakakaliwa).

Katuwang ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) ang lungsod ng Alaminos sa lalawigan ng Pangasinan sa hangarin nitong unahing bigyan ng tulong ang mga mahihirap na sambahayan na natukoy ng National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan.

Sa isinagawang turnover ng Listahanan 3 Database ay planong gamitin ni Alaminos City Mayor Arth Bryan C. Celeste sa kanilang sistema ng pamamalakad ang nakuhang datos ng mga mahihirap na sambahayan upang kanilang malaman ang mga Barangay na may pinakamaraming mahihirap sa kanilang siyudad.

With this data that we have na naibigay ng DSWD ay malaking tulong ito, kasi sabi nga nila, the first step in solving the problem is to know the problem. Now we know the people to help and the next thing to do is to execute the plans to help these people,” aniya ni Mayor Celeste.

Mula sa 17,233 na sambahayan sa Alaminos City na dumaan sa assessment ay may 4,058 na mahihirap na sambahayan o katumbas ng 23,551 na mahihirap na indibidwal ang natukoy ng Listahanan.

Ang lungsod ng Alaminos ang pang-apat na lokal na pamahalaan dito sa Rehiyon Uno na nakakuha na ng data ng mga mahihirap na samabahayan mula sa Listahanan.

Ang proyekto ng DSWD na Listahanan ay naglalaman ng komprehensibong impormasyon na maaaring mapagkuhanan ng mga baseline data para sa pagplaplano at pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan. (by: Jaymante Pearl B. Apilado – National Household Targeting Section)