Ibinigay ng mga kawani ng DSWD Field Office 1 (DSWD FO 1) Listahanan kay Santol, La Union Mayor Magno A. Wailan (pangalawa sa kaliwa) at Municipal Social Welfare and Development Officer Eunice D. Nabehet (pangalawa sa kanan) ang electronic copy ng Listahanan 3 database.

Ang pagkakaroon ng inisyal na data ng mga mahihirap na sambahayan ay napakahalaga sa pagplaplano at pagsasagawa ng mga programa at serbisyo ng lahat ng sangay ng gobyerno lalo na sa mga lokal na pamahalaan.

Kaya naman ang Listahanan na proyekto ng DSWD ang pinili ng lokal na pamahalaan ng Santol, La Union na maging katuwang at nagsilbing kasagutan para mas epektibong matukoy at mabigyan ng mukha kung sinu-sino at nasaan ang mga mahihirap na indibidwal, pamilya, at sambahayan sa bayan ng Santol.

Kamakailan lamang ay nagkaroon ng Listahanan 3 Data Sharing Agreement ang DSWD Field Office 1 National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan at ang lokal na pamahalaan ng Santol, La Union na kung saan naibigay ang data ng 197 na mahihirap na sambahayan na katumbas ng 1,487 na mga indibidwal.

Para masiguradong tama at kompleto ang mga dokumento na maibibigay ng lokal na pamahalaan ng Santol, La Union ay nagsagawa ng “inspection meeting” ang DSWD FO 1 Listahanan sa pamumuno ni Joan N. Dacumos.

Ayon kay Santol, La Union Municipal Social Welfare and Development Officer Eunice D. Nabehet, maraming hinahanda ang kanilang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Magno A. Wailan na mga programa para sa mga maralita. At sa database ng Listahanan 3 sila titingin ng listahan ng mga mahihirap na sambahayan na maaari nilang mabigyan ng karampatang tulong base sa kanilang ipapatupad na mga programa, serbisyo, at aktibidad.

Ang lokal na pamahalaan ng Santol, La Union ang pangatlo nang bayan na nakakuha ng listahan ng mahihirap mula sa resulta ng Listahanan 3 dito sa Rehiyon Uno.

Pinagpapatuloy ng Kagawaran ang paghikayat sa iba pang mga lokal na pamahalaan pati na rin sa mga iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong mga organisasyon na tangkilikin ang nabuong database ng Listahanan upang magamit ng husto ang tanging proyekto ng ating pamahalaan na tumutukoy sa mga mahihirap na samabahayan sa pamamagitan ng siyentipikong pamamaraan. (by: Jaymante Pearl B. Apilado, Listahanan Information Officer)