Naging tampok ang iba’t-ibang produkto ng mga Sustainable Livelihood Program Participant (SLP) ng DSWD Field Office 1 sa naganap na 2023 Post – SONA Forum sa Laoag City, Ilocos Norte.

Ang 2023 Post-SONA Forum ay talakayan tungkol sa nagawa ng mga ahensyang nakatutok sa sektor ng agrikultura sa nakalipas na isang taon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Ito ay kasabay ng paghahatid ng serbisyo mula sa iba pang sangay ng gobyerno sa mga dumalong magsasaka at mangingisda.

“Isang malaking oportunidad para sa mga SLP participant ang pagiging parte ng 2023 Post-SONA Forum dahil naging bida ang sarili nilang produkto kung saan nakatulong din ito upang madagdagan ang kanilang kita,” ani SLP Monitoring Project Development Officer Hazel Ann Cajimat.

Dagdag pa niya, “Dahil karamihan sa mga SLP participant ay miyembro ng iba’t-ibang asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda, mas nakilala ang kanilang mga produktong naibenta sa abot-kayang presyo.”

Una pa niyang nabanggit na ang mga produkto ng SLP participants ay hindi lang bida sa Rehiyon Uno ngunit nakikilala na rin ang mga ito sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Maliban sa DSWD, naging parte rin ng Forum ang Department of Health, Department of Agriculture, Philippine Statistics Authority, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, PhilHealth, at iba pang ahensya.  (by: Jesslyn Keith B. Valite, Information Officer I)