2500 na Dagupeños TODA ang naging benepisyaryo ng AICS

Binaha man dulot ng bagyong Egay at sinalanta ang kanilang tirahan ay nakangiti pa ring tinanggap ni Medelyn Abalos mula sa Binmaley, Pangasinan ang tulong pinansyal na inabot ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) mula sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Dumayo ang Angels in Red Vest ng DSWD FO 1 sa Pangasinan upang bahain naman ng biyaya ang mga lubhang naapektuhan ng nasabing bagyo. Dahil sa ilang araw na pagbaha sa kalsada ng Dagupan City ay natigil ang pasada ng mga TODA ng syudad kaya laking tuwa ng 2,500 tricycle drivers nang maging benepisyaryo sa lugar.

Kasama ang anak ay malugod na naabutan ng tulong si Medelyn Abalos ng Binmaley, Pangasinan.

Isang libong mga nasalanta sa bayan ng Sta. Barbara naman ang nabiyayaan ng AICS, gayundin sa Calasiao at Binmaley.

“Malaking tulong po itong tatlong libo sa amin dahil nabaha po kami. Sobra-sobra ang pasasalamat po namin sa DSWD dahil mayroon na kaming magagamit para sa gastusin araw araw lalo na sa pambili ng gatas at diapers na napakamahal,” maluha-luhang ani ni Medelyn na may walong taong gulang at walong buwang gulang na mga anak.

Si Medelyn ay isa lamang sa marami nating mga kababayang naghahangad na agad makabangon mula sa pagkakadapa dala ng nagdaang bagyo, nangangarap na sa paglipas ng oras ay unti-unting maghilom ang sugat na dulot ng masalimuot na pangyayari.

Bahain man ng kahit anong bagyo ay patuloy pa ring babangon ang bawat Pilipino. Kaisa ng mamamayan ang DSWD FO 1 sa pag-angat at muling pagmulat sa maaliwalas na kinabukasan. (by Anjhannel R. Tagle, Information  Officer I – Social Marketing Unit)