Pormal na ibinibigay ni Listahanan Regional Field Coordinator Joan N. Dacumos (pangalawa sa kanan) kasama sina Listahanan Regional Information Technology Officer Aristedeo V. Tinol (pinakakaliwa), at Listahanan Regional Statistician Ryan P. Arbollente (pinakakanan) ang electronic copy ng Listahanan 3 data ng mahihirap kay OIC-City Social Welfare and Development Officer Rosenda A. Liwanag (gitna) ng City of San Fernando, La Union at kay Social Welfare Officer I / Data Protection Officer Anna Dominique C. Alsong (pangalawa sa kaliwa).

Nagkaroon ng Data Sharing Agreement (DSA) ang lungsod ng San Fernando, La Union at ang DSWD Field Office 1 para makuha ang listahan ng mahihirap na sambahayan na natukoy ng National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan.

Base sa database ng Listahanan 3, may 293 na sambahayan sa lungsod ng San Fernando ang nabibilang sa mahihirap na katumbas ng 2,062 na mga indibidwal.

Sa 59 barangays ng lungsod ng San Fernando, ang mga barangay ng San Agustin, Nagyubuyuban, at Catbangen ang may pinakamaraming natukoy na mahihirap.

Mahalaga para sa City of San Fernando na malaman kung sinu-sino at nasaan ang mga mahihirap na sambahayan na makatutulong para sa kanilang pagbibigay ng serbisyong panlipunan at iba pang mga interbensyon sa kanilang nasasakupan.

“Gagamitin ng City Government of San Fernando ang listahan ng mga mahihirap mula sa DSWD Listahanan para may pagbabasehan kami sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa mga uunahing bibigyan ng serbisyo at benepisyo na naaayon din sa nakalaang pondo ng siyudad,” ang sabi ni Rosenda A. Liwanag, OIC-Head ng CSWDO.

Tuluy-tuloy ang ahensya sa pagbibigay ng suporta sa mga lokal na pamahalaan para magkaroon sila ng listahan ng mahihirap na maaari nilang maging basehan sa pagplaplano at pagtukoy ng mga potensyal na magiging benepisyaryo ng mga programang kanilang ipatutupad.

Maliban sa mga lokal na pamahalaan, ang data mula sa Listahanan na natukoy sa siyentipikong pamamaraan ay ibinabahagi rin sa mga pribadong kompanya at ginagamit din sa akademikong pananaliksik. By: Jaymante Pearl B. Apilado, Listahanan Information Officer