Sumailalim ang mga Provincial Technical Working Group (TWG) ng Ilocos Sur at Pangasinan sa komprehensibong orientation workshop tungkol sa Risk Resiliency Program (RRP) na isinagawa ng DSWD Field Office 1.
Ang Ilocos Sur at Pangasinan ay ang mga probinsya sa Rehiyon Unong kabilang sa mga priority target ng Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR) Cabinet Cluster na pinangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakatutok sa konserbasyon at proteksyon ng kalikasan.
Tinalakay ni Hiasma M. Gani, Project Development Officer III at RRP National Program Focal ng DSWD Central Office ang Business Process, Institutional Arrangement, 2023 Guidance, at Program Modalities ng RRP sa naturang aktibidad. Gayundin, nagkaroon ng talakayan tungkol sa RRP projects ng mga ahensya ng DENR, Department of Science and Technology (DOST), at Department of Agriculture (DA).
“Ang orientation workshop na ito ay naging refresher sa amin tungkol sa guidelines at indicators na kailangang sundin ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng RRP Projects,” sabi ni Leilani Bolivar, Social Worker Officer (SWO) III at Disaster Program Focal ng probinsya ng Pangasinan.
“Maraming mga impormasyon ang aming natutunan mula sa Learning Service Providers gaya ng technologies at iba pang pamamaraang hindi lang para sa implementasyon ng aming RRP projects kundi pati na rin sa disaster preparedness,” dagdag niya.
Natalakay rin sa orientation workshop ang documentary requirements at ang preparasyon ng Project Proposals at Risk Vulnerability Assessment Matrix (RVAM). Ang RVAM ay ginagamit ng ahensya upang matukoy ang mga angkop na aktibidad para sa RRP-CCAM.
Ang RRP ay isang convergence program ng CCAM-DRR Cabinet Cluster na naglalayong palakasin at pagtibayin ang pagpaplano at pagbabadyet ng climate resilience investments sa NGAs at mga bulnerableng mga probinsya.
“Sa pamamagitan ng RRP ay hindi lang ang pangangalaga ng kalikasan ang ating nagagawa kundi natutulungan din natin ang ating mga kababayan na higit na nangangailangan sa pamamagitan ng RRP-CCAM-DRR Cash-for-Work ng DSWD,” ani Noemie Kathleen Balbuena, SWO II at RRP-CCAM Focal ng Ilocos Sur.
Ang RRP-CCAM-DRR ay isang proyekto ng DSWD na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga higit na nangangailangan para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa pangangalaga ng kalikasan.
Pagkatapos ng talakayan ay nagkaroon ng workshop kung saan gumawa ang bawat probinsya ng RVAM at RRP Project Proposal para sa taong 2025. Layunin din ng nasabing orientation workshop na magkaroon ng pagkakaisa sa pagitan ng mga NGA at mga lokal na pamahalaan upang magkaroon ng pangmatagalang implementasyon ng mga RRP projects sa Rehiyong Uno. (by Henry J. Juyno, Information Officer II, Disaster Response Management Division-Disaster Response and Rehabilitation Section)