Ang mga kawani ng DSWD Field Office 1 Listahanan kasama ang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang, Pangasinan sa naganap na “Releasing of Listahanan 3 Data.”

Naibigay na ng DSWD Field Office 1 ang listahan ng mga mahihirap na sambahayan mula sa National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan sa Lokal na Pamahalaan ng Bayambang, Pangasinan sa pamamagitan ng isang Data Sharing Agreement.

May 8,616 na sambahayan na katumbas ng 50,374 na mga indibidwal ang natukoy ng Listahanan na mahihirap sa Bayan ng Bayambang.

Layunin ng nabanggit na Bayan sa pamumuno ni Mayor Niña Jose Quiambao na makamit ang “zero poverty” sa lahat ng Bayambangueño sa taong 2028.

Upang maisakatuparan ang kanilang rebolusyon laban sa kahirapan ay kinailangan nila ang datos ng Listahanan 3 upang malaman ang mga kababayan nilang nangangailangang mai-angat ang antas ng pamumuhay.

Ayon kay Bayambang Local Civil Registrar Head Ismael Malicdem, Jr., malaking tulong ang pagkakaroon nila ng listahan ng mahihirap na Bayambangueño para makagawa sila ng kongkretong pamamaraan, proyekto, at programa na makakatulong sa pagbawas ng kahirapan sa kanilang bayan.

Patuloy na makikiisa ang Kagawaran sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno pati na rin sa pribadong organisasyon sa pamamagitan ng Listahanan para magbigay ng impormasyon kung sinu-sino at nasaan ang mga mahihirap na sambahayan na natukoy sa siyentipikong pamamaraan.

Ang DSWD Listahanan ang tanging proyekto ng ating gobyerno sa ngayon na naglalaman ng data ng mga mahihirap na magsisilbing batayan para sa pagbuo ng mga programa at serbisyo para sa mga maralita. By: Jaymante Pearl B. Apilado, Listahanan Information Officer