Masusing binabantayan ng DSWD ang Family Food Packs (FFPs) at iba pang Non-Food Items kagaya ng hygiene kits, sleeping kits, kitchen kits, family kits, at tents na maaaring maibigay na karagdagang tulong sa mga apektadong pamilya o indibidwal ng kalamidad.

Ginaganap kada taon ang imbentaryo ng DSWD Field Office 1 (FO 1) warehouses sa pangunguna ng Inventory Committee upang suriin ang expiration dates ng Food at Non-Food Items (FNFIs), tiyaking tama at balanse ang FNFIs sa stock card ng warehouse at sa database ng nabiling items, at siguruhingtama ang bilang ng mga naka-stock na FNFIs sa bawat warehouse base sa relief distribution sheet ng Ahensiya. Kasama rin sa imbentaryo ang pagsuri sa kalinisan, seguridad, at kaligtasan ng bawat warehouse.

Masusing sinusuri ng Inventory Committee ang Satellite Warehouses sa San Emilio (kaliwang litrato) at Tagudin (kanang litrato) sa Ilocos Sur.

Sa ngayon ay mayroong 19,014 na FFPs ang nakaimbak at nakahanda anumang oras na kailanganin ng relief augmentation. Bawat kahon ay naglalaman ng anim na kilong bigas, apat na delata ng corned beef, apat na delata ng tuna, dalawang delata ng sardinas, limang sachet ng instant coffee, at limang sachet ng cereal. Samantala, 13,310 naman ang bilang ng Non-Food Items at 5,051 naman ang kabuuang bilang ng anim na litrong bottled drinking water.

Pinapaalalahanan ng DSWD na ang FNFIs na ipinapamahagi sa mga benepisyaryo ay hindi maaaring ibigay na nakabukas. Hindi rin maaaring madagdagan o mabawasan ang laman ng bawat kahon. Bawal ding palitan ng lalagyan o baguhin ang mga marka nito. Ang lalabag sa mga alintuntuning ito ay may karampatang parusa base sa Section 19 ng Republic Act No. 10121.

Ang imbentaryong isinasagawa ay malaking tulong upang makapamahagi ng dekalidad na FNFIs at mapanatiling sapat ang FNFIs na nasa iba’t-ibang warehouses sa Rehiyon Uno kung sakaling kailanganin para sa augmentation. By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division