San Fabian, Pangasinan – Sa kabuuang 1,521 na benepisyaryo ng UCT-Listahanan sa bayang ito, si Mang Benjamin Caballero Sion, isang magsasaka sa Brgy. Aramal na tumanggap ng UCT cash grant, ay lubos na nagpapasalamat dahil matutugunan na ang pangangailangan ng kanyang extended family bunsod ng lockdown sa Manila.


Inalalayan ng DSWD FO 1 staff si Mang Benjamin upang makumpleto ang kanyang mga dokumentong ipakikita sa teller ng Lank Bank, bago niya tanggapin ang UCT cash grant.

Animnapu’t walo na ang edad ni Mang Benjamin ngunit malakas pa siyang kumayod para sa asawa at dalawang apo, kahit may nararamdaman na rin siya sa katawan. Kasama niyang nakatira sa bahay ang asawa at ang dalawang apo. Ang tatlong anak ay bumukod na at may sarili nang pamilya, ngunit silang mag-asawa pa rin ngayon ang nag-aalaga sa dalawang apo mula noong hindi na nakakauwi ang magulang ng mga ito dahil sa lockdown sa Manila.

Sa pagsasaka niya binubuhay ang pamilya. Sinanay niya sa buhay bukid ang mga anak. Noong bata pa sila, isinasama niya ang mga ito sa panghuhuli ng isda sa ilog tuwing gabi para may pang-ulam sa umaga at ang matitira ay pambenta, upang makatulong sa magulang.

Hanggang ngayon nakikisaka pa rin si Mang Benjamin sa kalahating ektaryang lupang pag-aari ng iba. Mahabang panahong pinagtiyagaan niya ang hirap ng kalakaran sa pagsasaka bukod pa sa pana-panahong dagok na dulot ng mga kalamidad. Sa huling anihan, ibinenta niya ang 14 sakong palay para may pambayad sa mga utang na abono, upa sa traktora, gasolina para sa patubig, at sa inupahang mga manggagawang bukid. Hindi na niya kayang sakahin nang mag-isa ang lupa ngayon at kailangan niyang umupa ng manggagawa.

Kwento niya, nahirapan sila ngayong panahon ng pandemya. Nalimitahan ang paglabas-labas ng kanyang asawa upang magbenta ng mga ani nilang gulay bukod pa sa paghina na rin ng tuhod nito. Nanatiling fulltime na may-bahay ang kanyang asawa at katulong sa pag-aalaga at pagtuturo sa mga apong nag-aaral sa pamamagitan ng modular class. Dagdag niya, kulang ang pinagbentahan nila ng natitirang limang sakong palay para sa pang-araw-araw nilang kailangan. Nahirapan din daw sila sa pagtaas ng dati nang mahal na singil ng pamasahe palabas ng kanilang liblib na lugar papunta sa bayan dahil kailangang arkilahin na ngayon ng isang tao ang isang traysikel hindi gaya dati na may kahati sila sa pag-aarkila.

Ngayon, naramdaman niya ang konting ginhawa mula sa natanggap na halaga. Konti man daw, malaking tulong ito sa panahon ng lockdown. Nagbibigay raw ng malaking ginhawa ito para sa mga nagpapakahirap kumayod sa bilad ng araw para lamang may maihapag sa kainan. Dagdag niya, kahit konting halaga ito at hindi niya magagamit sa pagsasaka, makatutulong naman ito sa mga pinakapangunahing kailangan nila sa buhay. Pag-aamin niya, sa panahon ng pandemya, malaking bagay na para sa kanila ang natanggap na halagang PhP3,600. Plano niyang ipambili ang natanggap na UCT cash grant ng mga pangunahing pangangailangan sa bahay gaya ng bigas, isda, karne, mga pansahog at iba pang kailangan sa kusina. Ang iba ay ipambibili ng damit ng inaalagaang mga apo bilang sorpresa sa kanilang pagpapakabait. (by: Paul B. Ruiz, Information Officer I/Unconditional Cash Transfer Program)