Bakas sa mukha ni Aling Clarita Sevillena ang pangungulila sa biglaang pagkawala ng kanyang kabiyak sa buhay at tanging kaagapay sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Nakakwentuhan ko siya, kasama ang kanyang anak na babae, habang nakaupo kami sa Labrador Elementary School at pinapahinga niya ang kanyang tuhod pagkatapos niyang pumila at tumanggap ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Cash Grant.
Tubong Tobuan, Labrador, Pangasinan si Aling Clarita. Siya ay 71 taong gulang. May tatlo silang anak ng kanyang mahal na asawa, dalawang lalake at isang babae. Sa ngayon, may sarili nang diskarte sa buhay ang mga anak, tricycle driver ang isa, magsasaka ang isa, at may-bahay naman ang isa.
Ayon sa kanya, sa pagsasaka nila binuhay ang mga anak hanggang sa napalaki, nakapag-asawa at nakapagpamilya ang mga ito, at nagbigay sa kanila ng limang masayahing apo. Ngayon, ginugugol niya ang kanyang panahon sa pagpapalaki at pagpapaaral ng mga apo sa anak niyang babae, habang wala pang maayos at regular na trabaho ang manugang nito. Kung wala siyang ginagawa ay nagbabantay at nag-aayos lang siya sa bahay.
Sa kwento ng anak nitong babae, bilang magsasaka, nakadepende sila sa gasolina at krudo sa patubig ng sinasakang lupa. Kumpara sa mga hamon ng buhay noon, sa mga nakaraang taon lang nila mas ramdam ang hirap na dulot ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina, krudo, at maging ng ilang pangunahing pangangailangan sa kusina.
Sa maluha-luhang pagbabalik tanaw ni Aling Clarita, katatapos lang nilang dumaan sa isang matinding dagok sa buhay. Nitong tumanda na ang kanyang asawa, lumabas ang mga samu’t saring sakit sa katawan. Ito ang nagpahina sa kanya kaya’t minabuti nilang tumigil na sa pagsasaka. Dagdag pa ni Aling Clarita, dinanas ng asawa ang hirap na dulot ng pagtaas ng presyon ng dugo, sakit sa puso, arthritis, at sakit sa baga. Nagtulong-tulong ang mga anak nila sa pagpapagamot sa ama hanggang sa ito ay namayapa. Sa paglalahad niya, kulang na kulang ang kita nila mula sa pagsasaka. Kadalasan, ay wala silang naiipon. Kulang din ang pinagsamang ambag ng mga anak para sa lamay at libing ng ama. Malaking ginhawa niya noong pumayag ang punerarya na utang muna ang lahat ng serbisyo nito at unti-untihin na lang na bayaran pagkatapos ng libing. Nakatulong din daw ang ambag ng mga kaibigan, kamag-anak at kabaryo. Sa ngayon ay may natitira pa siyang bayarin sa punerarya. Inaalala din ni aling Clarita ang gagastusin para sa gamot ng kanyang arthritis. Kung hindi siya iinom ng gamot, mahihirapan siyang tumayo at humakbang.
Nilalabanan nila ang pangungulila sa pagpanaw ng isang marangal na ulo ng tahanan. Tinitiis at pinagtitiyagahan niya ang pagsuong sa mga hamon ng buhay kahit na ngayong ramdam niyang palapit na ang pakikipaghiwalay niya sa kanyang katawang lupang salat na sa kabataan at kasiglahan.
Ayon sa kanya, malaki ang naitulong ng natanggap niyang halaga mula sa UCT noong 2018. Ginamit nila ito para sa pagpapagamot ng asawa, at sa ilang pangunahing kailangan sa bahay. Kwento niya sa kanyang plano kung saan gagamitin ang katatanggap lang na halaga. “Ipandadagdag namin ito sa pambayad sa kabaong ng asawa ko at ang natitirang halaga ay ipambibili ko ng aking gamot.”
Naintindihan niyang tatlong magkakasunod na taon silang tatanggap ng cash grant ng UCT at magtatapos ito sa 2020. Pagkatapos nito, nais niyang may ibang programa ulit na tutulong sa mga mahihirap. Tinapos niya ang aming usapan sa isang malaking pasasalamat sa tulong pinansiyal dahil malaking tulong ito sa kanya at sa iba pang kagaya niya, habang pinagpapahinga niya ang tuhod sa matagal na pila at pinaghahandaan ulit ang isang mahabang lakaran. (by: Paul B. Ruiz, Information Officer I/Social Marketing Unit)