Sa bansang laganap ang kahirapan, madalas ang pangarap ay nananatiling pangarap na lamang. Subalit may mga nakapagpapatunay na sa pamamagitan ng determinasyon, sipag, at pananampalataya sa Maykapal, hindi imposibleng makamit ang inaasam na kaginhawaan.

Isa si Marck Lenard B. Gundran, 22 taong gulang, isang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary mula Tubao, La Union na ngayon ay lisensyado nang Electrical Engineer pagkatapos niyang maipasa ang 2025 Licensure Examination for Registered Electrical Engineers.

Hindi naging madali ang landas na tinahak ng pamilya ni Marck Lenard. Bilang panganay sa apat na magkakapatid, lumaki siya sa isang simpleng pamilya na umaasa sa arawang kita ng kanyang ama bilang isang laborer, at honorarium ng kayang ina bilang isang Barangay Health Worker.  Pinili ng kanyang mga magulang na isantabi ang sariling pangarap upang itaguyod silang magkakapatid.  Puspusan silang nagsumikap upang maibigay ang kanilang kagyat na pangangailangan gaya ng pagkain at baon sa eskwela. Salat man sa mga magagarang kagamitan, sagana naman silang magkakapatid ng mga parangal na natatanggap sa paaralan.

Naging inspirasyon ni Marck Lenard ang kanyang mga magulang upang mas lalong magpursige sa pag-aaral. Bilang panganay, nais niyang maging mabuting ehemplo sa kanyang mga nakababatang kapatid upang unti-unting maisakatuparan ang pangarap ng kanyang mga magulang na magkaroon ng maginhawang buhay.

Ang pamilya ni Marck Lenard ay naging benepisyaryo ng 4Ps taong 2012. Maliban sa pagdalo ng kanyang mga magulang sa buwanang Family Development Session, dumadalo din siya ng Youth Development Session. Dito mas naitanim sa kanyang isipan ang pagbibigay halaga sa kanyang pamilya at ang kahalagan ng edukasyon.

Dahil na rin sa taglay na katalinuhan at sipag sa pag-aaral ay naging Department of Science and Technology (DOST) Scholar si Marck Lenard. Ito ang naging katuwang ng kanyang pamilya upang matustusan ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.

Para kay Marck Lenard ang kanyang pagkakapasa sa board exam ay hindi lamang isang titulo. Ito ay sagisag ng bawat gabing pagpupuyat, ng bawat araw na puno ng pag-aalala kung makakaraos pa kinabukasan, at bawat semestreng itinawid sa kabila ng kakulangan sa mga pangangailangan.

Sa wakas ay hawak na niya ang lisensyang matagal niyang pinangarap kasama ng kanyang pamilya. Para sa kanya, higit sa pagkakaroon ng propesyon, dala rin niya ang responsibilidad na iahon ang kanyang pamilya mula sa hirap at magbigay -inspirasyon sa kanyang komunidad.

Bilang isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, batid ni Marck Lenard ang reyalidad ng buhay sa laylayan. Kaya naman, pinipili niyang maging simbolo ng inspirasyon sa mga kabataan na katulad niyang minsan ay pinagdudahan at pinanghinaan ng loob. Mga kabataang nawawalan ng pag-asa dahil sa kahirapan.

Nais kong maging inspirasyon na sa kabila ng kahirapan, hindi tayo dapat mawalan ng pangarap. Ngunit higit sa lahat, dapat nating tandaan: ang pangarap ay hindi dapat manatiling salita lang. Kailangan itong trabahuhin, paghirapan, at pag-ukulan ng tamang pananaw at pag-uugali. Sapagkat ang pangarap na hindi sinasamahan ng aksyon ay mananatiling isang ilusyon,” mensahe niya sa kapwa benepisyaryo ng 4Ps.

Sa kanyang kwento, masisilayan ang diwa ng pag-asa. Isa siyang paalala na ang kahirapan ay hindi kailanman hadlang, kundi isang hamon na kailangang suungin. Sa bawat kabataang nangangarap, ang kanyang mensahe ay malinaw: “Kung ako ay nagtagumpay, kaya mo rin. Mangarap ka. Kumilos ka. Tumindig ka. Dahil ang tagumpay ay para sa lahat ng may tapang, tiwala, at tamang puso,” ani ni Marck Lenard. (Salaysay ni: Cristal Vi Milanes-Rullan, Municipal Link- Tubao, La Union sa Patnubay ni: Arlem Kenneth R. Areola, Head- Social Development and Advocacy Section.)