Naging isang hindi inaasahang hamon para sa mga residente ng Ilocos Norte ang kawalan ng kuryente at komunikasyon sa ilang bahagi ng lalawigan noong kasagsagan ng Bagyong #MarcePH. Dahilan ito sa mahirap na pagbibigay at pagtanggap ng mga impormasyon upang malaman ang kalagayan at pangangailangan ng mga residente sa mga apektadong bayan.

Dahil dito, ipinadala ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) – Ilocos Region ang Mobile Command Center (MCC) nito sa Pasaleng, Pagudpud upang mas mapabilis ang pagbibigay ng datos na basehan sa pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo. Ang MCC ay isang mobile unit na may internet at iba pang teknikal na kagamitan, na naging tulay sa mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad.

Marami ring kababayan natin ang nakinabang sa MCC, na itinuturing nilang isang “blessing” dahil ito ay nakapagbigay-daan upang muling magkaroon ng komunikasyon ang mga residente sa kanilang mga mahal sa buhay gamit ang internet.

Isa sa mga nakagamit ng internet ay si Justin Mae D. Labrador, isang residente ng Pagudpud. Nagpasalamat ang dalaga sa DSWD FO 1 MCC dahil sa Wi-Fi na ibinigay nito. “Napateg kadakami iti gundaway nga panangusar ti internet. Kadagitay a kanito naadaan kami iti gundaway nga makisarita dagiti ipatpateg mi iti biyag idiay sabali nga disso ken nakaadaw kami ti damag ken pakaammo ti aywtoridad panggep ti bagyo (Mahalaga po sa amin ang pagkakataong makagamit ng internet. Sa mga oras na iyon, nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap ang aming mga kamag-anak sa ibang lugar, at nakakuha din kami ng mga updates tungkol sa mga anunsyo ng awtoridad tungkol sa bagyo),” ani Justin Mae.

Ayon pa sa kanya, ang MCC ay nagsilbing isang lifeline hindi lamang sa komunikasyon kundi pati na rin sa mabilisang pamamahagi ng mga tulong mula sa DSWD at iba pang ahensya. “Sana po ay maging madalas ang ganitong serbisyo, lalo na kung may mga kalamidad, dahil malaking tulong ito sa amin.”

 

DSWD FO 1’s Mobile Command Center (MCC) at Patapat Bridge and in Pasaleng, Pagudpud, Ilocos Norte, providing vital internet access to beneficiaries.

Ang mabilis na pagtugon ng DSWD Ilocos Region gamit ang MCC ay hindi lamang nagpadali ng pagsusumite ng mga report, kundi nagbigay din ng pag-asa sa mga kababayan natin sa panahon ng pangangailangan. Ipinakita nito ang kakayanan ng gobyerno gamit ang makabagong teknolohiya na makapagbigay ng serbisyong may malasakit sa mga nasalantang mamamayan.Sa huli, hindi lamang teknolohiya tulad ng MCC ang tunay na nagbigay ng liwanag sa bayan ng Pagudpud, kundi ang di-mabilang na mga kamay na nagtulungan upang matulungan ang bawat isa sa oras ng pangangailangan.