Lungkot ang namutawi sa limang pamilya sa Callaguip, Caoayan, Ilocos Sur nang matupok ng sunog ang kanilang tahanan, ika-9 ng Hulyo taong kasalukuyan.

Agad rumesponde ang mga opisyal ng barangay nang mangyari ang sunog. Sunod namang nagbigay ng karagdagang tulong ang Local Government Unit (LGU) ng Caoayan, Ilocos Sur sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng relief goods at Psychological First Aid sa mga apektadong pamilya upang maibsan ang trauma at stress na dulot ng insidente.

Bukod pa rito, nabigyan rin ang bawat pamilya ng bigas at iba pang non food items mula sa Provincial Government of Ilocos Sur na magagamit ng pamilya habang nasa evacuation camp.

Masayang tinanggap ng limang pamilyang nasunugan ang tulong mula sa DSWD

Dahil sa assessment ng Caoayan MSWDO na nangangailangan pa ang mga pamilya ng karagdagang tulong ay agad na nag-request ang LGU ng augmentation sa DSWD Field Office 1 (DSWD FO 1) na agad tinugunan ng ahensya.

Sabado, ika-13 ng Hulyo, nang maipaabot sa bawat pamilya ang tig-isang family food pack, hygiene kit, family kit, kitchen kit, sleeping kit, laminated sack, at pinansyal na tulong sa pamamagitan ng DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS. Ang kanilang tulong na natanggap ay may kabuoang halaga na PhP113,013.20.

Mula Enero ay umabot na sa 144 na nasunugang pamilya sa buong rehiyon ang napaabutan na ng tulong ng Kagawaran ngayong taon. Ito ay katumbas ng PhP18,661,187.43.

Laging ipinapaalala ng DSWD na ang lcoal at provincial government unit ang unang magbibigay ng tulong tuwing may nararanasang sakuna. Kung kaya’t hinihikayat ang bawat isa na kung sakaling makaranas ng krisis ay agad itong ipagbigay alam sa barangay o sa munisipyo upang mabigyan ng karampatang tulong base sa assessment ng pangangailangan. By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division