Bilang pakikiisa ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) sa National Solo Parents’ Week, pinarangalan ang natatanging Solo Parents sa Rehiyon Uno.
Tinanghal na Natatanging Solo Parent si Marinela Y. Laino ng Ilocos Sur. Sumunod dito bilang mga Runner-Up sina Venaida A. Rivera ng Ilocos Norte at Mary Anne B. Sampaga ng La Union.
Bilang isang single mother, ginawa ni Marinela ang lahat ng paraan upang itaguyod ang kaniyang tatlong anak na lalaki. Siya ay isang guro sa pampublikong paaralan at kasalukuyang kumukuha ng Master’s Degree. Bukod dito, aktibong miyembro rin siya ng Rural Improvement Club at sumasali sa mga Clean-up Drive ng komunidad.
Sa kabila ng bigong pagsasama nila ng kaniyang dating asawa, napagtapos niya ang kaniyang panganay at sinisikap na mapagtapos din ang dalawa pa niyang anak.
“My strength as a Solo Parent does not lie on how many battles I’ve won, but lies on my courage to fight each day for my children and myself,” pagbabahagi ni Marinela.
Nabigyang parangal din ang dalawang kawani ng DSWD FO 1 sa nasabing patimpalak na sina Maria Criselda G. Casilla ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program Divison (Winner) at Nicole Kasandra A. Lipawen ng Disaster Response and Management Division (1st Runner-Up).
“Graduating ako noong ako ay nabuntis at pagkapanganak, nagtrabaho muna ako sa isang fast-food chain pangtustos sa pangangailangan ng aking anak. Ang aking mga magulang ang pansamantalang umaruga sa kaniya habang hinihintay ang aking pagmartsa. Matapos ang ilang taon ay sa awa ng Diyos, nakapasok ako bilang empleyado sa DSWD FO 1,” pagbabahagi ni Maria Criselda.
Samantala, ibinalita ni DSWD FO 1 OIC – Assistant Regional Director for Operations Anniely J. Ferrer na sa pagpapatupad ng Expanded Solo Parents Welfare Act, nagkaroon ng mas maigting na probisyon pagdating sa pagrerehistro ng Solo Parents dahil sa planong pagpapaabot ng financial assistance program sa mga nangangailangang Solo Parents.
“Alam naman natin na kahit tayo ay nasa makabagong panahon, hindi pa rin nawawala ang stigma sa mga Solo Parent lalong lalo na kung sila ay teenagers, students, at young adults. It will be very hard for them to be accepted by their communities without prejudice. Kaya mainam itong pinaplano ng DSWD Social Technology na gumawa ng istratehiya sa komunidad kung saan magkakaroon ng holistic approach magmula doon sa family at sa buong community kung paano magco-compliment ang different programs ng LGU at national government,” dagdag pa niya.
Ipagpapatuloy ng DSWD Field Office 1 ang pagbibigay parangal sa natatanging Solo Parents upang bigyang pagpupugay ang kanilang pagsisikap at sakripisyo para sa kabutihan ng kanilang pamilya.
(by: Anjhannel R. Tagle, Information Officer I – Social Marketing Unit)