Sa mabilis na pagtakbo ng oras at panahon, mapalad kung maituturing ang makaaabot sa edad na lagpas singkwenta. Ngunit higit na pinagpala ang mga nakatatandang umaabot ng isang daang taon o higit pa.
Sa selebrasyon ng National Respect for Centenarians Day at Elderly Filipino Week ngayong taon, ini-abot ng DSWD Field Office 1 ang pagkilala sa mga nakatatandang Pilipino sa Rehiyon Uno.
“Awan ti sikreto na ngem ni Apo Diyos ti nangted ti kired ken pigsak isu ti gapu na nga addaak pay a sibibiag iti rabaw ti daga. Ti adda a rigat iti biag idi panawen ko ti ad-adda pay a nangpakired kanyak (Walang sikreto ngunit ang Poong Maykapal ang Siyang nagbigay sa akin ng lakas kaya nanatili pa rin akong buhay rito sa mundong ibabaw. Hirap ng buhay lamang din noong panahon ko ang nagpatibay sa akin),” ani Herminia Gaces, edad 111 na Oldest Living Centenarian sa Ilocos Norte (unang larawan).
“Natnateng laeng ti kanayun mi idi a sidaen, agtabakonak pay ngem iti kaasi ni Apo, nadanon ko daytoy a tawen ko (Gulay lamang ang palagi naming ulam, gumagamit din ako ng tobako ngunit sa awa ng Diyos ay naabot ko pa ang edad kong ito),” dagdag ni Lola Margarita Tote, edad 107 mula sa Batac City, Ilocos Norte (pangalawang larawan).
Maliban sa pagkilala at pagbibigay regalo sa mga pinakamatandang residente ng rehiyon ay natanggap din ng mga nagdiwang ng kanilang ika-100 taon ang certificate of felicitation mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang PhpP100,000 na cash incentive alinsunod sa Republic Act 10868 o ang Centenarians Act of 2016.
“Agyamyamanak unay iti daytoy nga intedyo a kwarta. Uray saan nakon a makakita ket addan ti idulin ko tapno addanto ti mausar intunno mataynak (Lubos ang aking pasasalamat sa perang inyong ibinigay. Kahit wala na akong paningin ay mayroon na akong maitatago para may magamit kung ako’y mamatay),” saad ni Simplicio Sacalamitao, edad 100 mula sa Pinili, Ilocos Norte.
Ang pagbahay-bahay upang maibigay ang centenarian gift na PhP100,000 na inisyatibo ng DSWD ay naisagawa katuwang ang mga lokal na pamahaalaan sa rehiyon.
Base sa pinakahuling datos na naitala ng Kagawaran, ang pinakamatandang nabubuhay sa Rehiyon Uno ay edad 111 mula sa bayan ng Cervantes, Ilocos Sur. (by: Jesslyn Keith B. Valite, Information Officer I – Social Marketing Unit)