Kasabay ng pakikiramay ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) ay ang agarang pag-abot ng tulong pinansyal sa pamilya ng Pangasinenseng OFW na nasawi dahil sa pag-atake ng militanteng Hamas sa border ng Gaza at timog Israel noong nakaraang linggo.

 

Personal na binisita ni Social Welfare Officer II Dean Arlu Javier ng DSWD FO 1 Western Pangasinan Satellite Office (naka-blue na jacket) ang pamilya ng nasawing OFW sa Israel na si Angelyn Aguirre sa Binmaley, Pangasinan upang personal na iabot ang tulong pinansyal sa naiwang pamilya ng pinay caregiver.

 

 

Bakas pa ang pagkabigla sa mukha ni Gng. Erlinda Aguirre, ina ng nasawing pinay na si Angelyn at tubong Balagan, Binmaley, Pangasinan, nang tanggapin ang PhP10,000.00 mula sa frontline service ng DSWD na Assistance to Individual in Crisis Situation o AICS.

Ayon kay Gng. Erlinda, ang tulong na natanggap nila mula sa ahensya ay kanilang gagamiting panustos sa iba pa nilang mga kakailanganin papuntang Maynila upang sunduin ang labi ng kanyang anak.

Bukod sa paunang pinansyal na tulong, magbibigay rin ng karagdagang burial assistance ang DSWD FO 1 sa pamilya ng 33-anyos na pinay caregiver sa oras na ang labi nito ay maiuwi na sa Pangasinan.

Bukod pa rito, magbibigay din ng angkop na psychosocial intervention ang ahensya sa pamamagitan ng counseling at stress debriefing upang magabayan ang pamilya sa kanilang matinding pagluluksa dulot ng mapait na pagkasawi ni Angelyn.

Samantala, sasagutin naman ng Overseas Workers Welfare Administration ang transportasyon ng mag-anak papuntang Maynila at pabalik ng Pangasinan sa pagsundo sa labi ni Angelyn. ####

(by: Kristine Sheila T. Amoroso – Regional Information Officer, Social Marketing Unit)