Patuloy ang pagdami ng mga Pilipinong senior citizen na ang hangad ay mapabilang sa mga benepisyaryo ng Social Pension for Indigent Senior Citizens at Centenarian Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Upang lubos na maipaliwanag ang mga nasabing programa, ang Social Pension Program Management Office (SPPMO) ng DSWD Field Office 1 ay nagsagawa ng Learning and Development Intervention (LDI) sa Laoag City, Ilocos Norte na dinaluhan ng mga presidente ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), Municipal/City Social Welfare and Development (M/CSWD) Officers ng Ilocos Norte kasama ang Provincial Social Welfare and Development (PSWD) Officer ng nasabing probinsya.
Ayon kay SPPMO Head at Social Welfare Officer II Eliza M. Aromin, importanteng maintindihan ng mga city/municipal social worker at mga presidente ng OSCA ang paraan ng pagpili sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Social Pension Program at kung sinu-sino ang mga kinikilalang centenarian.
“Sa pamamagitan ng LDI ay inaasahang magiging epektibong tagapaghatid impormasyon ang mga dumalo upang maintindihan ng karamihan sa mga senior citizen na ang benepisyaryo ng mga programa ay ang mga lubos na nangangailangan ng tulong o walang anumang pensyon na natatanggap mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno,” ani Aromin.
Ayon naman kay Laoag City OSCA President Ernesto S. Tamayo, “Lumawak ang aking kaalaman patungkol sa mga programa ng DSWD para sa mga matatanda lalo na ang proseso ng pagpili sa mga benepisyaryong nakakukuha ng pensyon at kung paano napabibilang sa Centenarian program.”
Dagdag niya, ibabahagi niya ang kanyang mga natutunan sa kapwa niya senior citizens upang higit na maipabatid sa kanila ang kahalagahan ng pakikipag-ugyanan sa DSWD nang maiwasan ang mga reklamo.
Ang Social Pension for Indigent Senior Citizens ng DSWD ay nasimulan noong 2011 nang naisabatas ang Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 kung saan may Five Hundred Pesos (P500.00) na monthly stipend mula sa pamahalaan ang mga indigent senior citizen. Ito ay karagdagang tulong upang masustentohan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Samantala, sa ilalim ng Republic Act 10868 o Centenarian Law na kasalukuyang ipinatutupad ng gobyerno ay nabibigyan ng pagkilala at incentive ang matatandang umaabot sa 100 taong gulang pataas. (by: Jesslyn Keith B. Valite, Information Officer I-Social Marketing Unit)