Nakahanda ang DSWD Field Office 1 (FO 1) na magbigay ng karagdagang tulong sa mga apektadong local government units (LGUs) dulot ng Super Typhoon “Egayโ.
86,520 Family Food Packs (FFPs), 29,390 Non-Food Items (NFIs), at 1,451 6-liter bottled drinking water ang kabuuang bilang ng naka-imbak na Food at Non-Food Items sa 20 na DSWD FO 1 Regional at Satellite Warehouses na handang ipadala sa LGUs na maaapektuhan ng bagyo sa Rehiyon Uno at sa karatig rehiyon.
Bawat FFP ay naglalaman ng anim (6) na kilong bigas, apat (4) na delatang corned beef, apat na delatang tuna, dalawang (2) delatang sardinas, limang (5) sachet ng kape, at limang sachet ng cereal. Ang isang kahon ay sadya para sa limang miyembro ng pamilya para sa dalawang araw na pagkain. Kabilang naman sa NFIs ang tent, sleeping kits, family kits, hygiene kits, kitchen kits, malong, at laminated sacks.
Ayon sa huling natanggap na report ng DSWD mula sa LGUs, mayroon nang 2,417 na kabuuang apektadong pamilya sa rehiyon uno. Karamihan dito ay mga mangingisdang hindi na pinayagang pumalaot mula sa Narvacan, Ilocos Sur. Agad namang nag-request ng tulong ang LGU Narvacan at kasalukuyan na ang pag-proseso ng Kagawaran sa paghatid ng tulong upang agad itong maipamahagi sa mga naitalang apektadong pamilya.
Ayon sa PAGASA, posibleng tuluy-tuloy na pag-ulan ang mararanasan ng Rehiyon Uno sa mga susunod na araw kaya naman pinapaalalahanan ang komunidad na maghanda kung sakaling magkaroon ng emergency at sundin ang anunsyo at payo ng local authorities.
Prayoridad ng DSWD ang maagap na maibigay ang pangangailangan ng apektadong mamamayan sa panahon ng sakuna kaya patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD FO 1 Incident Management Team sa sitwasyon ng mga LGUs sa Rehiyon Uno at pati na rin sa karatig rehiyon na direktang matatamaan ng Bagyong Egay.
Sa panahon ng sakuna, ang paunang magbibigay ng tulong (food and non-food items) sa mga residente tuwing may sakuna ay ang LGU. Kapag hindi ito sapat ay maaaring magrequest ang LGU ng augmentation o karagdagang tulong sa DSWD (National) at sa iba pang ahensiya ng pambansang pamahalaan. by Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II โ Disaster Response Management Division