Ayon sa World Health Organization, karamihan sa mga taong apektado ng emergencies ay nakararanas ng pagkabalisa; halimbawa nito ay pagkaranas ng matinding kalungkutan, kawalan ng pag-asa, kahirapan sa pagtulog, pagkapagod, at pagkamayamutin.
Kaugnay rito, doble ang pagsisikap ng DSWD na magbigay ng tulong sa mga lokal na pamahalaan sa pagkakaroon ng sistematikong evacuation center (EC) para mas maging kumportable at maibigay ang karapatang magkaroon ng maaliwalas at pantay na pagtrato sa mga apektadong pamilya at indibidwal na pansamantalang tutuloy sa center sa panahon ng sakuna.
Upang matugunan ang mga partikular na pangangailangan ng Internally Displaced Persons (IDPs) o kilala sa tawag na evacuees, ang DSWD Field Office 1 ay nagbigay ng tig-isang Child at Women Friendly Space Kits sa 10 na lokal na pamahalaang mayroong established evacuation centers at madalas makaranas ng epekto ng kalamidad.
Ang parehong kits ay naglalayong magbigay ng mas sistematiko, organisado, at gender-responsive na paraan ng pagbibigay ng serbisyo habang nasa ECs. Ang Child Friendly Space (CFS) Kit ay binubuo ng tatlong storage boxes na may lamang educational toys at supplies gaya ng lapis, stress balls, pandikit, bond papers, banig, stickers, pambatang mga libro, at tent.
Samantala, ang Women Friendly Space (WFS) Kit ay may komposisyon ng mga sumusunod: whiteboard with stand, whiteboard markers, whiteboard eraser, table, at mga upuan. May kasama ring storage boxes na may lamang record books, solar lamp, cartolina, flashlight, banig, lapis, ballpen, krayola, permanent markers, bond papers, kurtina, at tent.
Bukod dito, ang mga aktibidad at iba pang mga interbensyon ay itinuturo at parte sa ibinibigay na DSWD technical assistance sa pamamagitan ng Camp Coordination and Camp Management (CCCM) at Internally Displaced Person (IDP) Protection Training na nakatutulong sa pagpapataas ng kamalayan ng komunidad sa mga isyung kaugnay sa karapatan ng evacuees, sexual at reproductive health, at gender based violence.
Samantala, kamakailan ay nagkaroon ng orientation ang Bayambang, Pangasinan Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) kung saan tinalakay ang layunin, accountability, at responsibilidad sa pagtanggap ng DSWD CFS at WFS kits.
Batid ng Kagawaran ang posibilidad ng pagkakaroon ng trauma o pagkabalisa ng evacuees sa panahon ng kalamidad kaya naman nagkakaroon ng ibaโt-ibang pamamaraan ang DSWD upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na mabigyan din ng prayoridad ang mga interbensyon sa pagpapagaling ng traumang maaaring maranasan ng evacuees. By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division