Alas-dos pa lamang ng madaling araw ay nagsisimula nang pumalaot sa dagat sina Jennicar Quillopo at ang kanyang asawang mula sa Brgy. Puro, Caoayan, Ilocos Sur. Wala mang kasiguraduhan kung gaano karami ang kanilang mahuhuling isda dahil sa sira-sirang lambat at kagamitan, ay nagpupursige pa rin sila upang hindi magutom ang kanilang pamilya.
“Umuuwi po kami ng alas-diyes ng umaga para makapagbenta ng aming nahuli, swertihan kung minsan ang pangingisda, minsan matumal, minsan kumikita,” ani ni Jennicar. Laging dalangin ng mag-asawang sana ay bigyan sila ng malakas na pangangatawan at magkaroon ng pagkakataong matulungan upang maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan para sa kanilang mga anak.
Taong 2019, nadinig ang panalangin ng mag-asawa. Sila ay napabilang sa programa ng DSWD Field Office 1 na Sustainable Livelihood Program (SLP). Ang puhunang kanilang natanggap na PhP15,000 mula sa SLP ay ipinambili nila ng bagong lambat at iba pang kagamitan sa kanilang kabuhayan.
“Maraming salamat sa Panginoon at nabigyan kami noon ng puhunan. Malaking tulong ang aming natanggap mula sa DSWD FO 1 – SLP. Hindi ko lubos maisip ang kalagayan ng aking pamilya kung wala ito”, mensahe ni Jennicar sa Ahensiya.
Dahil sa puhunan para sa kanilang kabuhayan at pag-aasam ng magandang buhay, ang pamilya ni Jennicar ay unti-unting nakapagpupundar at napag-aaral ang kanilang mga anak. Napagtapos nila ng Criminology na nakapasa rin sa Criminology Board Exam ang kanilang panganay na anak. “Masayang-masaya akong nakikita na namin ang bunga ng aming pinaghirapang mag-asawa,” ayon kay Jennicar.
“Sa mga katulad kong nakatanggap at tatanggap pa ng kabuhayan mula sa DSWD FO 1 – SLP, huwag sana nating sayangin ang oportunidad na ito bagkus payabungin natin para hindi rin masayang ang pagsisikap ng Ahensiyang tulungan tayo.”
Sa pamamagitan ng puhunang pangnegosyo mula SLP, mas tumaas ang kapasidad ng pamilya ni Jennicar at mas lalong lumakas pa ito dahil sa kanilang kagustuhang iangat ang kanilang pamilya sa kahirapan. Para sa iba pang mga kwento ng PagSibol ng mga benepisyaryo ng SLP sumubaybay sa DSWD Field Office 1 official Facebook Page at sa aming website na fo1.dswd.gov.ph. (by: John Chris B. Zureta, Social Marketing Officer and Ditther E. Gacula, Monitoring Project Development Officer, Sustainable Livelihood Program)