Nagkaroon ng Communication Campaign cum Food-for-Training ang mga residenteng kabilang sa mga sektor ng solo parent, nakatatanda, at may kapansanan sa Vigan City at San Ildefonso sa probinsya ng Ilocos Sur.
Itinuro sa mga kalahok ang mga dapat gawing paghahanda sa kalamidad pati na rin ang paghahanda ng 72-hour survival kit o GO bag.
Ibinahagi rin ang iba’t-ibang uri ng early warning systems na magiging gabay ng bawat isa kapag may paparating na kalamidad upang mapaghandaan ang posibleng aksyon bago dumating ang sakuna. Naibahagi rin ang mga iba’t-ibang programa at serbisyo ng DSWD na maaaring maibigay bilang karagdagang tulong kagaya ng financial assistance at iba pang mga maaaring serbisyo para sa mga bulnerableng sektor.
Isa sa mga kalahok ay si Jepprey de Guzman mula sa Brgy. Ayusan Norte, Vigan City, Ilocos Sur. Aniya ay masaya siyang nakasama sa pagsasanay dahilan upang malaman niya ang mga kailangang paghahanda sa kalamidad, gayun din ang iba pang programa at serbisyo ng DSWD na aangkop sa kaniya.
“Inborn nga haannak makapagpagna isu nga umapalnak iti daduma a makapan iti kayatda a papanan. Ngem maragsakanak ta nakipasetak iti daytoy a training ta masursurok no ania ti maaramidak ken no ania ito kasapulanmi a mangisagana iti pamiliami no adda didigra (Pinanganak akong lumpo kaya naiinggit ako sa ibang nakakapunta sa gusto nilang puntahan. Pero masaya akong nakasali sa training na ito dahil natutunan ko kung ano ang mga dapat kong gawin at mga kailangang ihanda ng pamilya namin kung mayroong kalamidad),” saad niya.
Binigyang-diin din sa mga kalahok ang proseso ng relief augmentation sa mga LGU maging ang paghingi ng tulong sa gobyerno kung saan ang lokal na pamahalaan na pinakamalapit sa kanila ang unang lalapitan at magbibigay ng tulong sa mga kababayang nangangailangan.
Ang Communication Campaign cum Food-for-Training ay isang aktibidad ng DSWD upang maibahagi ang updates sa mga programa at serbisyo nito pati na rin ang Family Disaster Preparedness kung saan pagkatapos ng training ay makatatanggap ng isang Family Food Pack ang bawat kalahok. By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division