City of San Fernando, La Union – Iba na ang pananaw ng karamihan kay Eba ngayon kumpara noon.
Hindi na lamang sa loob ng tahanan nakikita ang halaga ng kababaihan, kundi pati rin sa pamamahala sa iba’t-ibang larangan at sa kasanayan sa pisikal na gawain katulad ng pagiging isang DSWD volunteer.
Ang DSWD Field Office (FO) 1 ay kaisa sa adbokasiya ng Philippine Commission on Women para sa taunang selebrasyon ng kababaihan na may temang “We for Gender Equality and Inclusive Society”, at isinusulong ang lahat ay pantay-pantay anumang kasarian at estado sa buhay.
Bilang parte ng selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan, nagkaroon ng sari-saring aktibidad ang DSWD FO 1 kagaya ng pagsusuot ng kulay lila tuwing Miyerkules, patimpalak sa Most Influential Women with Disability, at Most Active Functional Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI). Mayroong ding libreng gupit, medikal, at dental assistance sa Barangay Duplas, Sudipen, La Union; at pagsasanay para sa DSWD FO 1 volunteers na may 83% na bilang ng partisipanteng kababaihan.
Sa volunteers training, itinuro ang pangunahing pangunang lunas sa isang pasyente hanggang sa dumating ang emergency medical services. Kasama rin sa pinagusapan ang kasanayan sa psychosocial support na isang hakbang upang makatulong sa kapwa volunteer, kapitbahay, o pamilyang dumaranas sa matinding problema.
Upang mas mapalawak ang kaalaman ng bawat volunteers, tinalakay din ang Management of Volunteers kung saan naipaalam ang proseso kung paano maging isang volunteer, gayundin ang pamamahala sa mga volunteers, anu-ano ang requirements para maging isang volunteer, at ang legal na basehan ng pagkaroon ng DSWD volunteers. Sa paraang ito ay matutulungan ng trained volunteers ang DSWD FO 1 sa pagbibigay ng impormasyon kung sakaling may kakilalang interesadong maging isang volunteer.
Sa kasalukuyan, mayroong kabuoang bilang na 218 DSWD FO 1 volunteers, 55% dito ay kababaihan. Ang karaniwang ginagawa ng volunteers sa disaster preparedness ay repacking ng Family Food Packs (FPPs) kung saan kinakailangan ng pisikal na lakas. Kaya naman saludo kami sa inyo, dahil ang Lakas ni Eba, bidang-bida sa DSWD FO 1! By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division