Malayo man sila sa mga oportunidad, huli man sa sibilisasyon at napag-iiwan man ng panahon, sipag at tiyaga ang kanilang naging sandata. Ilan lamang iyan sa mga pangunahing katangian ng isang katutubo upang gumawa ng paraang mairaos ang kanilang pamilya araw-araw.
Sa munting barrio ng Lamag, Quirino, Ilocos Sur, ang tribo ng Kankanaey ay naninirahan dito, isa sa mga residente dito ay si Ramon Gamsawen. Ang kanilang pangunahing pinagkakakitaan ay ang pagkikisaka at pag-aalaga ng mga hayop. “Nagrigat la unay iti panagbiag mi ditoy barbario, pulos awan ti pagbirukan mi nga nasayaat (Sobrang hirap ng pamumuhay sa barrio, halos wala kaming maayos na pagkakakitaan),” ayon kay Ramon.
Dahil sa estado ng buhay ni Ramon at sa kagustuhang makapagpalago ng negosyo, nakitaan siya ng potensyal ng DSWD Field Office 1 – Sustainable Livelihood Program. Siya’y nakatanggap ng pondo para sa kanyang hanapbuhay na pagbili at pagbenta ng mga hayop katulad ng kambing, baka, kalabaw, at iba pa. Ani ni Ramon “Dakkel nga tulong dadiay kenyak, nu awan diay inted da kenyak siguro makitaltalon ak paylang tatta (Malaking tulong iyon sa akin, kung wala siguro iyong ibinigay nila ay hanggang ngayon ay nakikisaka pa rin ako).”
Upang mapaunlad ang kanyang negosyo, siya at nagtatiyagang humanap ng mas murang bilihan ng mga hayop sa mga karatig probinsiya sa pamamagitan lamang ng paglalakad at pag-akyat sa mga bulubunduking bahagi ng mga karatig lugar. Siya ay nakakaabot hanggang Abra at Mountain Province, kadalasang inaabot siya ng apat na araw na paglalakad kasama ang kanyang manugang o kaya nama’y kanyang apo. “Nagrigat nga talaga ta andurak ito pudot, bannog, sang-at ken alog, ngem anos ken diskarte iti pinaturay ko tapnun dakdakkel iti magansiyak (Ang hirap talaga dahil tinitiis ko and init, pagod, pag-akyat, at pagbaba, ngunit diskate at aking pinairal upang mas malaki ang aking kitain),” pagsasalarawan ni Ramon sa kanyang mga karanasan.
Sa pamamagitan ng kanyang negosyo ay nakapagpundar na siya ng mga gamit na maaari din niyang pagkakitaan katulad ng gilingan ng palay at chain saw, bukod pa rito, kalahati ng kanyang kabuuang kita ay ipinuhunan niya sa St. Lucy Cooperative sa Poblacion, Quirino, Ilocos Sur. Ito ay magagamit niya bilang emergency fund at posibleng pagpapalago pa ng kanyang negosyo.
“Gapu daytoy nga programa iti DSWD-SLP dimmur-as iti pagnamnam-ayan iti pamilyak, tatta ket makagatang kamin iti amin nga kailangan mi iddiay balay (Dahil sa programang ito ng DSWD-SLP umunlad ang pamumuhay ng aking pamilya, ngayon ay nakabibili na kami ng lahat ng aming pangangailangan sa bahay),” paglalahad ni Ramon. “Agyamanak ta siak iti maysa nga napagasatan, sapay kuma ta adu pay iti matulungan da (Maraming salamat dahil isa ako sa nabibiyaan, sana ay maraming pa kayong matulungan),” dagdag pa niya.
Bawat hakbang ni Ramon sa kanyang pagtahak sa iba’t-ibang probinsiya ay sumisimbolo na hindi hadlang ang kahirapan at pagiging mahirap upang magpursige at maghanap ng oppurtunidad upang mapaunlad ang sarili at pamilya mula sa hirap ng buhay. #(by: John Chris B. Zureta, Social Marketing Officer, Sustainable Livelihood Program)