Bilang bahagi ng paggunita sa National Disaster Resilience Month, matagumpay na isinagawa ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1 )ang 4Ps Service Caravan sa Masikil, Bangui, Ilocos Norte kanina, July 18, 2025. Sa pangunguna ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Division, dinaluhan ito ng 160 4Ps household beneficiaries mula sa nasabing bayan.

Layunin ng caravan na paigtingin ang kahandaan at katatagan ng pamilyang 4Ps laban sa sakuna, lalo na’t ang Bangui ay isa sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad. Matatandaang noong December 2024, naranasan ng bayan ang magnitude 5.7 na lindol, bukod pa sa regular na pananalasa ng bagyo, habagat, pagbaha, pagguho ng lupa, at pagkasira ng kalsada sa ilang barangay.

Isinagawa ang Symposium on Climate Change and Environmental Protection na tumutok sa pagpapalawak ng kaalaman ukol sa mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng sakuna. Bahagi rin ng aktibidad ang kampanyang ‘Tamang Tulong sa Tamang Impormasyon (3TI)’ na may layong labanan ang fake news at tiyakin na ang tulong na maibibigay ay angkop at napapanahon.

Nagbigay ng iba’t ibang serbisyo ang DSWD FO1 4Ps Division sa naganap na 4Ps Service Caravan kasama ang national at local government offices.

Namahagi ang DSWD FO 1 ng school supplies at family food packs sa dumalong 4Ps household beneficiaries bilang pakikibahagi sa disaster preparedness training. Bukod dito, nagsagawa ng medical at dental mission ang Provincial Health Office ng Ilocos Norte at Municipal Health Office ng Bangui.

Dumalo at nakibahagi rin ang mga partner agencies gaya ng Department of Agriculture at PhilHealth, na nagbahagi ng mga programa at serbisyong maaaring pakinabangan ng mga benepisyaryo.

Sa pamamagitan ng taunang 4Ps Service Caravan, patuloy na ipinapakita ng DSWD FO 1 ang malasakit sa mga sambahayang 4Ps tungo sa  ligtas, handa, at matatag na pamilyang Pilipino sa panahon ng sakuna. (by: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II)