Ang National Household Targeting Section (NHTS) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) – Ilocos Region ay malugod na nagsagawa ng pre-inspection meeting sa Municipal Social Welfare and Development Office ng Cabugao, Ilocos Sur upang masigurong tama at kompleto ang mga dokumento na kailangan bago mapirmahan ang Data Sharing Agreement.

Isa sa mga hamon na kinakaharap ng mga Local Government Units (LGUs) ay kung paano ang pagtukoy ng mga unang tutulungan na mahihirap na indibidwal o sambahayan sa kanilang nasasakupan alinsunod sa nakalaan nilang pondo.

Ang hamon na ito ay isa sa mga tinutugunan ng Department of Social Welfare and Development Listahanan o ang National Household Targeting System for Poverty Reduction na may layuning maibahagi ang mga natukoy na mahihirap sa mga ahensya ng gobyerno, civil society organizations, at pribadong sektor.

Ang LGU ng Cabugao, Ilocos Sur (IS) ay isa sa mga LGUs na may inisyatibong malaman kung sinu-sino ang mga mahihirap na indibidwal at sambahayan sa kanilang lugar kaya nakipag-ugnayan sila sa Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) – Ilocos Region para sa Data Sharing Agreement.

“Napakahalaga nito (listahan ng mga mahihirap na sambahayan mula sa DSWD Listahanan) na basehan namin lalong-lalo na iyong mga priority na mabibigyan namin ng interventions” ani ni Municipal Social Welfare and Development Officer Criselda C. Navarro.

Ang mga programa ng LGU Cabugao sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) kagaya nang pagbibigay ng tulong pinansyal, Cabugao Scholarship Program, Sagot Ayat for Senior Citizens, at Sagot Ayat for Persons with Disabilities ang siyang paggagamitan ng database ng mga mahihirap na sambahayan upang maging basehan sa mga priyoridad na magiging benepisyaryo.

Sa ngayon, ang Listahanan ay ang tangi at nananatiling proyekto ng ahensya na namamahala ng napakalaking database ng mga mahihirap na natukoy sa pamamagitan ng siyentipikong pamamaraan upang maging basehan sa mga paplanuhin at ipapatupad na mga programa, proyekto, at serbisyo na makakatulong sa mga nangangailangan. (by: Jaymante Pearl B. Apilado – Social Marketing Unit / National Household Targeting Section)