Ang National Household Targeting Office (NHTO), kasama ang National Household Targeting Section (NHTS) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) – Ilocos Region, ay nagsagawa ng pilot activity na “i-Registro ang F1KD sa 4Ps” sa Barangay Lucero at Barangay Binabalian sa munisipalidad ng Bolinao, Pangasinan noong 18-19 December 2024. Ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na buntis at/o may anak na 0-2 years old ay tinuruan kung paano ang magrehistro online ng kanilang mga kinakailangang impormasyon.

Mula noong mailunsad ang online registration para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 6 December 2024, umabot na sa 187 na indibidwal ang mga nagrehistro sa i-Registro sa Rehiyon Uno.

Ang “i-Registro ang F1KD sa 4Ps” ay isang alternatibo at makabagong paraan ng ahensya para sa mas mabilis na pag-update ng impormasyon ng mga benepisyaryo ng 4Ps.

Ang mga impormasyong naibahagi ng mga benepisyaryo ng 4Ps online ay gagamitin ng ahensya upang mas maayos na maipatupad ang First 1,000 Days (F1KD) conditional cash grant ngayong taon.

Sa ngayon ang i-Registro o Dynamic Social Registry (DSR) ay nakatuon muna sa pagrehistro at pag-update ng impormasyon ng mga benepisyaryo ng 4Ps na buntis at/o may anak na 0-2 years old. Ito ay bago at mas pinahusay na information management system na kalaunan ay maglalaman ng mga impormasyon ng sambahayan o indibidwal na maaaring gamitin na basehan sa pagtukoy ng mga nararapat na benepisyaryo ayon sa pangangailangan ng mga programa, proyekto, at serbisyong panlipunan.

Patuloy na hinihikayat ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) – Ilocos Region ang mga aktibong benepisyaryo ng 4Ps na buntis at/o may anak na 0-2 years old na makilahok sa pag-update ng kanilang impormasyon online gamit ang web portal address link na: i-registro-4ps.dswd.gov.ph.

Mahalaga ding ang magrerehistro sa nabanggit na link ay mayroong Philippine Identification System (PhilSys)/National o e-Phil ID, mobile device, at maayos na signal ng internet.

Para naman sa mga benepisyaryo ng 4Ps na buntis at/o may anak na 0-2 years old ngunit walang mobile device ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang 4Ps City/Municipal Links upang ma-update ang kanilang impormasyon gamit ang Beneficiary Updating System Form 5. (by: Jaymante Pearl B. Apilado – National Household Targeting Section)