Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) ang isa sa pinakamalaking earthquake drill scenario nito sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED).
Sa nasabing pagsasanay ay may naitalang malubhang sugatan, sunog, at aftershock, pagkatapos ng “7.2 Magnitude Earthquake”. May ilan ding empleyado ang na-trap sa loob ng gusali kung saan agad na tinugunan ng DSWD Field Office 1 Disaster Control Group (DCG) kasama ang partner-agencies.
“Maganda ang interoperability ng Disaster Control Group dahil nainvolve ang ibang ahensiya at visible ang bawat team ng DCG during the drill”, komento ni Bartolome R. Reyes Jr., evaluator mula sa Philippine Red Cross La Union Chapter.
Matagumpay ang naisagawang drill sa gabay ng Office of Civil Defense at pakikiisa ng Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, at Philippine Red Cross – La Union Chapter. Kasama rin ang drill evaluators mula sa Local Disaster Risk Reduction Management Offices (DRRMO) ng Bauang, La Union, Dagupan City, at Provincial DRRMO ng La Union at Pangasinan.
Ang pagsasanay ay bahagi ng preparedness activity ng Field Office upang mapataas ang kasanayan ng mga empleyado at kliyente sa maayos at mabilis na paglikas kapag may naganap na lindol alinsunod sa Philippine DRRM Act of 2010 na pinapangunahan ng National Disaster Risk Reduction Management Council na ginaganap kada-kwarter o apat na beses sa isang taon.
“Importanteng magkaroon ng training ang bawat isa lalo na ang search, rescue, at retrieval team upang magkaroon ng kasanayan kung paano ang tamang pagrescue sa totoong scenario”, saad ni Rafael Lim, evaluator mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.
Sa tulong ng ating mga katuwang na ahensiya, ang DSWD ay patuloy na makiki-isa sa pagpapalakas ng kaalaman ng mga empleyado at kliyente na parte ng paghahanda sa “The Big One” at anumang sakuna na maaaring tumama sa Rehiyon Uno, dahil #BawatBuhayMahalagaSaDSWD. By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division