“Magbubukid at nagtitinda lamang ako noon ng meryenda sa aming barangay. Ngayon ako ay sekyu na at napagtapos ko na ang aking anak” masayang pagbabahagi ni Marijoy S. Aquino mula sa Brgy. Polong, Bugallon, Pangasinan.
Bilang isang nanay, tungkulin niyang maibigay ang pangangailangan ng kanyang mga anak, lalong-lalo sa kanilang pag-aaral. Kahit tirik ang araw, pinipilit niyang magtrabaho noon sa bukid kasama ng kanyang asawa, at ang magtinda. Isang araw inimbitahan siyang makilahok sa Pre-Licensing Training Course for Security Guard noong 2017 sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) Employment Facilitation Track. Walang kaabog-abog siyang sumali rito dahil na rin sa kanyang kagustuhang magkaroon ng bagong kaalaman na maaari niyang magamit upang magkaroon ng permanenteng trabaho.
Naging daan ang kanyang nilahokang pagsasanay upang makapasok sa kanyang unang pormal na trabaho bilang Security Guard sa RNB Security Agency sa Lingayen, Pangasinan. Panagbuti niya ang kanyang trabaho hanggang sa siya ay makaipon ng sapat na karanasan para sa mas mataas ng posisyon. Noong 2018, natanggap siya bilang Security Officer sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Pangasinan Technical Institute.
Nagpakita muli siya ng dedikasyon sa kanyang propesyon at bilang sukli dito, nakatanggap siya ng iba’t-ibang pagkilala mula sa TESDA. Pinarangalan siya bilang Above and Beyond Security Officer noong 2022, Protector of the Year, at Outstanding Security Officer of the Year noong 2023.
Bukod sa mga pagkilala na natanggap niya mula sa TESDA, ang pinakamalaking parangal na nakuha niya ay mapagtapos ang kanyang panganay na anak sa pagpupulis at mapag-aral niya sa kolehiyo ang kanyang bunsong anak.
“Maraming salamat sa isinagawang pagsasanay sa amin ng SLP, hindi ko lubos maisip na ganito na kalayo ang aking narating sa buhay. Kung wala ang SLP baka hanggang ngayon ay isang kahig isang tuka pa rin ang aming pamilya,” maluha luhang pasasalamat ni Marijoy.
Ang kwento ni Marijoy ay isang buhay na patunay na sa tulong ng SLP kalakip ng kanyang determinasyon, napataas ang kanyang kakayahan at kasanayan upang mapaangat niya ang antas ng pamumuhay ng kanya pamilya at matupad ang pangarap ng kanyang mga anak (by John Chris B. Zureta, Project Development Officer II / Social Marketing Officer – Sustainable Livelihood Program)