Sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month (NDRM) ngayong taon ay nagtungo ang Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) sa bayan ng Sigay, Ilocos Sur upang magsagawa ng Information Caravan cum Food-for-Training.
50 na indigent individuals ang nakiisa sa programa kung saan sila ay sumailalim sa pagsasanay sa Family Disaster Preparedness. Layon nitong ituro sa bawat pamilya ang maaaring gawin bago, habang, at pagkatapos ng anumang sakuna. Isa rin sa mga pangunahing paksa ng caravan ang mga programa at serbisyo ng DSWD FO 1. Pagkatapos ng talakayan ay nagkaroon rin ng Focus Group Discussion kung saan inisa-isa ang mga katanungan ng mga kalahok na nagbigay linaw sa kanilang mga hinaing at agam-agam.
Bukod pa rito, nagkaroon din ng libreng medical check-up na hatid ng Municipal Health Office.
Pagkatapos ng aktibidad, bawat kalahok ay nakatanggap ng tig-isang Family Food Pack at tig-PhP3,000.00 mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation.
“Kumapsot iti taon ken narigat met agbyahe ta nangato iti lugarmi. Isu agyamanak ti DSWD ta dinanon ken nailak-am kami ti pagsayaatan nga naipaay kadakami. Mayat daytoy nga aktibidad lalo kanyak nga agmaymaysa ta nai-eksplekar pay nu anya ti maisagana ken maaramid nu adda didigra (Tumatanda na ako at mahirap ang bihaye dahil mataas ang aming lugar. Kaya nagpapasalamat ako sa DSWD dahil tinulungan nila kaming mailapit sa amin ang programa at serbisyo ng gobyerno. Mahalaga ang aktibidad na ito lalo na sa aking nag-iisa dahil ipinaliwanag sa amin ang paghahanda kung sakaling may kalamidad),” pahayag ni Alfredo Buyonen, 90 years old, isa sa mga kalahok sa caravan.
Nagpahayag si DSWD FO 1 Regional Information Officer Kristine Sheila T. Amoroso ng kanyang kasiyahan sa matagumpay na pagdaraos ng aktibidad. Aniya, “Mahalaga ang pagbibigay ng tamang kaalaman at tulong sa ating mga pamilya, lalo na sa panahon ng krisis at sakuna. Nawa’y pagkatapos ng aktibidad ay matulungan ninyo kaming maipalaganap pa ang mga programa at serbisyo ng DSWD.”
Ang aktibidad ay pinagsamang pagsisikap ng DSWD FO 1 at LGU Sigay, Ilocos Sur na mapamahagi ang tama at totoong impormasyon upang maging handa, ligtas, at resilient ang bawat pamilyang Pilipino sa anumang sakuna. By: Nicole Kasandra A. Lipawen, Information Officer II – Disaster Response Management Division