Hindi biro ang pagpapalaki ng isang anak. Maraming oras ang kailangan mong ibuhos upang masiguro ang kanyang kaligtasan at maibigay ang kanyang pangangailangan.
Labindalawang beses itong naranasan ni Editha A. Salinas, isang senior citizen na mula sa Brgy. Poblacion, Malasiqui, Pangasinan. “Mahirap, ngunit masaya,” wika niya. Maikling pagsasalarawan na nagkukubli ng kanyang mga pinagdaanan upang maitaguyod ng matiwasay ang kanyang buong pamilya.
Ang tanging inaasahan lamang noon ng pamilya ay ang pagpipintura ng kanyang asawa at pagtitinda ni Editha ng pagkain sa paaralan. Buong araw silang nagtutulungan makakain lamang at mapag-aral ang kanilang mga anak.
Noong 2017, dumating ang isang bagay na isa sa mga tumulong upang mabago ang kanilang buhay. Tumanggap siya ng pampuhunan mula sa DSWD Field Office 1 – Sustainable Livelihood Program (SLP). “Inilaan ko sa bigasan, karinderia, at tindahan ang natanggap kong puhunan. Pinahahalagahan ko talaga ang aking negosyo at in-apply ko ang aking mga natutuhan sa trainings upang mapalago ko ito,” pahayag ni Editha.
Lima sa kanyang mga anak ang napagtapos niya sa kolehiyo at ang pangalawa sa panghuli nilang anak naman ay kasalukuyan na ring nag-aaral sa kolehiyo. Lubos na nakatulong ang kanyang kabuhayan sa kanilang pampaaral dahil hindi na rin makapagtrabaho ang kanyang asawa dahil sa pagkabulag ng kanyang isang mata.
“Salamat sa SLP dahil sa puhunan at pagsasanay na natanggap ko, kung wala ito, hindi ko na alam ang aking gagawin para maitaguyod namin ng asawa ko ang pag-aaral ng aming mga anak,” pasasalamat ni Editha.
Ngayong isa na siyang ganap na Senior Citizen ay naglalaan na rin siya ng oras para sa kanyang panatang manilbihan sa kanilang simbahan bilang pasasalamat sa mga biyayang natanggap niya sa Maykapal at lakas na ibinibigay sa kanya ng Diyos upang mas paunlarin pa ang kanyang kabuhayan.
Hinamon man ang katatagan ni Editha bilang ilaw ng tahanan dahil sa hirap ng pag-papaaral at pagkabulag ng mister niya, sa tulong ng Maykapal, nagsumikap at pinagbuti niya ang kanyang kabuhayan upang mas magningning ang kanyang ilaw para gabayan at alalayan ang kanyang mga anak tungo sa maayos at magandang kinabukasan.(by John Chris B. Zureta, Project Development Officer II / Social Marketing Officer – Sustainable Livelihood Program)