Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1 ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa iba’t ibang bahagi ng Rehiyon Uno, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Buong galak na tinanggap ng benepisyaryo mula sa San Gabriel, La Union ang kanilang ayuda mula sa AKAP na kanilang maidadagdag sa kanilang pang araw-araw na gastusin.

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa salaysay ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, binigyang diin ang pagpapahalaga sa Social Services gaya ng AKAP upang mapalakas at maprotektahan ang kakayahan ng mga mamamayan na bilhin ang mga pang araw-araw na pangangailangan.

“Layunin ng programang ito na magsilbing proteksyon para sa mga benepisyaryo na naunang naaapektuhan ang pang araw-araw na kabuhayan dulot ng pabago-bagong sitwasyon ng ekonomiya,” dagdag pa ni Sec. Rex Gatchalian.

Mula sa kabuuang target na 12,361 benepisyaryo sa buong Rehiyon Uno, tinatayang 11,052 ang nakadalo at nabiyayaan ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng PhP3,000.00 bawat isa.

Ang natitirang 1,309 naman na hindi nakadalo o may mga kailangang ayusin sa kanilang mga dokumento ay ang mga uunahing bigyan ng ayuda sa susunod na AKAP payout. Habang 629 sa mga benepisyaro ay mula sa Ilocos Norte; 2,140 naman ang nakatanggap sa Ilocos Sur; 2,105 sa La Union; at 5,908 naman sa Pangasinan.

Ang AKAP ay may dalawang modalidad sa pagbibigay ng tulong pinansyal. Una rito ay ang direktang implementasyon ng Crisis Intervention Section (CIS) at Social Welfare and Development (SWAD) Satellite Offices. Ang ikalawang modalidad naman ay sa pamamagitan ng DSWD partners tulad ng mga lokal na pamahalaan.

Bilang kwalipikasyon sa programa, dapat ang benepisyaryo ay nabibilang sa low-income category gaya ng mga Pilipinong ang sahod ay hindi hihigit sa statutory minimum wage.

Gayunpaman, ang mga benepisyaryo ng 4Ps at mahihiraap na nakatatanda na tumatanggap ng buwanang Social Pension ay hindi na maaaring mapabilang sa AKAP. Samantalang ang mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na nakatatanggap ng tulong pinansyal ay may limitasyon sa kung gaano kadalas maaaring makatanggap ng tulong mula sa AKAP.

Ang mga nais na mapabilang sa AKAP ay maaaring magsumite sa pinakamalapit na DSWD Field o Satellite Office ng mga sumusunod na dokumentong na-isyu sa loob ng tatlong buwan: Contract of Employment kung saan nakasulat ang sahod at may pirma ng Employer o di kaya ay pay slip na may buong pangalan at lagda; Income Tax Return; at kahit anong dokumentong nagsasaad na ang kinikita ng kliyente ay mas mababa sa statutory minimum wage.

(by: Anjhannel R. Tagle, Information Officer I – Social Marketing Unit)