Madaling araw palang ay gising na gising na ang Beaches and Caves Tourism Advocates of Colayo o BCTACO SLP Association ng Bani, Pangasinan. Masayang inihahanda ng dalawampu’t walo nitong miyembro ang kagamitang pangkaligtasan ng mga turista at masinsinang tinuturuan ang bawat isa ng mga hakbang upang maiwasan ang anumang sakuna.
Ang BCTACO SLPA ay nag-aalok ng iba’t-ibang aktibidad na babagay sa bawat interes ng kanilang bisita. Nariyan ang spelunking sa Nalsoc Cave, cliff jumping sa Polipol Island, snorkeling sa Surip Beach, at boating sa Bani-Bolinao Coastal Line. Ngunit bago marating ang mga iyan, hindi biro ang iyong pagdadaanan. Mabato at matarik na kalsada, maputik at madulas na daan, at iba pa.
Mahirap man ang tatahakin papunta sa mga lugar, sulit naman dahil sa magagandang tanawin at hindi matatawarang karanasan ang sukli nito sa bawat bisita. Ang araw-araw na karanasang ito ng asosasyon ay sumasalamin sa kanilang pinagdaanan.
Dahil gaya ng pagdaraanan ng bawat turista papunta sa mga naggagandahang lugar sa Bani, hindi rin biro ang tinahak ng grupo sa pagpapalago ng kanilang asosasyon. Isa na dito ang pansamantalang pagtigil ng operasyon ng kanilang negosyo dahil sa pandemya kung saan lubos na naapektuhan ang bawat miyembro nito. Ngunit hindi natinag ang kanilang pangarap para sa kani-kanilang pamilya – ang isang magandang buhay.
Isa sa nakapagpabago sa bawat miyembro ng kanilang grupo ay ang Seed Capital Fund mula sa DSWD Field Office 1 – Sustainable Livelihood Program (SLP) na siyang nagbigay buhay sa kanilang pangarap. Nagbigay ginhawa ito sa mahirap na daang araw-araw nilang tinatahak.
“Kung hindi dahil sa DSWD FO1-SLP, wala ang aming grupo. Napakalaking tulong ito sa amin, sa BCTACO, at sa pagpapakilala sa natatanging ganda ng aming lugar,” sambit ni Nestor Agcaoili, BCTACO SLPA President.
Dahil sa tulong na ito, nakapagpundar ang grupo ng mga bagong kagamitan tulad ng mga bangka at bagong kagamitang pangkaligtasan. Nagtayo rin sila ng BCTACO Center upang dito idaos ang mga orientation at magsilbing pahingahan ng kanilang mga bisita. Nakapagbibigay na rin ang grupo ng massage services upang bigyang ginhawa ang pagod ng mga turista matapos ang buong araw na aktibidad. Ang grupo ay patuloy pang pinapabuti ang kanilang serbisyo upang makapagbigay ng mas magandang karanasan sa bibisita sa kanilang lugar.
Ang kapital mula sa SLP, ang mga natutunan sa programa, at pagkakaisa ng bawat miyembro ang kanilang pinapairal kaya’t magpahanggang sa ngayon patuloy na nakapinta sa kanilang mukha ang saya tuwing gigising ng maaga upang ihanda ang mga turista sa pagdiskubre sa kanilang lugar at sa itinatago nitong ganda. (by John Chris B. Zureta, Project Development Officer II / Social Marketing Officer – Sustainable Livelihood Program)