Bilang sentro ng kalakaran sa bansa ang ka-Maynilaan, maraming nakikipagsapalaran dito upang makahanap ng oportunidad nang sa gayon ay magkaroon ng mas malaking mapagkakakitaan. Isa sa mga sumubok ng kanilang kapalaran ang pamilya ni Reggie Silao noong 2014. Siya ay naging dishwasher sa isang hotel sa Maynila. Ngunit sapat lamang ang kita niya upang suportahan ang kanyang mga anak.
Sa tatlong taong pagtatrabaho niya rito ay natuto siyang magluto hanggang siya ay mapromote bilang cook. Noong 2017, lumipat siya sa isang sikat na istasyon sa bansa bilang chef. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, pumutok ang COVID-19 pandemic at ilang buwan lamang ang nakalipas ay nagsara ang istasyon na kanyang pinapasukan. Isa siya sa mahigit labing isang libong manggagawa na nawalan ng kabuhayan dahil sa pagsara nito.
“Higit dalawang buwan kaming na-lockdown sa Manila noon, halos naubos ang aming ipon at ang tanging inaasahan na lamang namin noon ay ang mga ayuda na aming natatanggap”, pagsasalarawan ni Reggie sa kanyang karanasan sa kasagsagan ng pandemya.
Dahil sa pagkawala ng kanilang kabuhayan at hirap ng kanilang naranasan dulot ng pandemiya, nagpasya silang umuwi sa Aguilar, Pangasinan nang lumuwag ang community quarantine. Ang natira sa kanilang ipon ay inilaan nila sa pagbebenta ng pagkain sa bilao. Ang mga unang tumangkilik sa kanilang produkto ay kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Ginamit rin nila ang social media upang mas maipakilala ang Rhenregz Special Food Bilao sa mas malawak na merkado.
Sa pagtutulungan at panuntunan ng programa ng DSWD Field Office 1 na Sustainable Livelihood Program (SLP) at Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2P), ang pamilya ni Reggie at kanilang katayuan ay pasok sa mga kwalipikasyon ng programa kung kayat sila ay nabigyan ng dagdag kapital para sa kanilang kabuhayan.
Ang puhunan na kanilang natanggap ay inilaan nilang pambili ng mga kagamitan sa pagluluto, sangkap sa kanilang mga putahe, at iba pang pangangailangan para sa kanilang negosyo. “Sobrang saya ko na makatanggap na kapital upang mas lumaki pa ang aming negosyo, hindi ko lubos akalain na mabibigyan kami pagkakataon para maiangat ang kalagayan namin sa kabila ng aming pinagdaanan noon sa Maynila. Maraming salamat sa mga programang ito ng DSWD FO 1”, saad ni Reggie.
Mula sa bilao ng pagkain kasabay ng pagpupursige ni Reggie at kanyang asawa, marami na silang naipundar at patuloy pang nagpupunda para sa pagpapalaki ng kanilang negosyo. Nakakatulong na rin ang kanilang negosyo upang makapagbigay ng trabaho sa kanilang mga kababayan tuwing nakakatanggap sila ng maraming order tuwing peak season. Higit sa lahat, unti-unti nang nakakamit ng pamilya ang kanilang pangarap na gumaan ang kanilang pamumuhay, mapag-aral ang kanilang anak, at maipagawa ang kanilang tahanan.
Isa sa layunin ng BP2P ay suportahan ang mga pamilya at mga manggagawang labis na naapektuhan ng COVID-19 na bumalik sa kani-kanilang probinsyaupang makapagsimula ng kabuhayan o hanapbuhay sa tulong ng SLP. (by: John Chris B. Zureta, details from: Baby Jean M. Peralta – Sustainable Livelihood Program)